43 TRUCKS NA BASURA INIWAN NG MGA DEBOTO

basura

UMABOT sa 43 trucks na basura  na iniwan ng mga deboto sa traslacion  ng Itim na Poong Nazareno ang nahakot  kahapon ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa tagapagsalita ng MMDA na si Assistant Secretary Celene Pialago, bukod sa kanilang mga tauhan ay nakipagsanib puwersa na rin ang ilang kawani ng Manila City Hall, Department of Public Works and Highways (DPWH),  volunteers ng civic at religious group sa pangongolekta ng mga basura na karamihan sa mga iniwang kalat ng mga deboto ng Poong Nazareno ay plastic bags, food wrappers, mga karton at water plastic bottles.

Ani Pialago, sa Quirino Grandstand pa lamang kung saan nag-umpisa ang naturang traslacion ay  umabot na sa pitong truck ang nakolektang basura.

Dagdag pa ni Pialago na higit na mas marami ang nakolektang basura sa taong ito sa ginanap na kapistahan kumpara noong nakaraang taon na umabot lamang sa 15 truckloads na katumbas ng 385 na tonelada.

“Pag-alis pa lamang ng mga deboto sa Quirino Grandstand ay nakasunod na kaagad ang aming mga sweeper katulong ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang mapanatiling malinis ang pinagdaanang ruta ng  traslacion  ng Itim na Nazareno,” pagtatapos ni Pialago. MARIVIC FERNANDEZ