KUMUSTA na, ka-negosyo? Ligtas ba kayo ng iyong pamilya at ka-trabaho? Tandaan ang mga safety protocol natin na pagsuot ng face mask ng tama, paghuhugas ng kamay, at social distancing. Kailangan natin ang mga iyan sa panahon ng pandemya, ok?
Balik tayo sa digital marketing tips ngayong linggong ito dahil na rin marami ang nagtatanong kung ano-ano ang mga tools na puwedeng gamitin sa larangan ng digital. Kaya naman balik din tayo sa pinaka-basic na pamamaraan – ang email marketing. At bakit nga ba? Kasi, bukod sa cell phone number, ang email ang ginagamit sa pagbukas ng mga social media at kung ano-anong account. Kaya lahat ng tao na nasa digital, dapat may email, tama? Kung may 69 milyong Pinoy ang nasa Internet, malamang, lahat ito ay may email. Paano bang magsimula sa email marketing? O siya, tara na at matuto!
#1 Email database ng mga target mong kustomer
Kinukuha mo ba ang lahat ng mahahalagang detalye ng kustomer mo? Kasama riyan ang email niya. Mas mainam kasing iniipon mo ang ganitong detalye ng mga kostumer dahil dito mo sila makokontak bukod sa cellphone o sa social media. Mas personal kasi ang dating ng email.
Pero siyempre, bago mo gawin ang pag-kontak sa kanila, kailangang naipaalam mo sa kanila. Ang tawag dito ay ‘opt-in’, kung saan humihingi ka ng permiso na kontakin mo sila sa paraan tulad ng marketing.
Paano mo ito makukuha? Unang-una, sa pamamagitan ng isang form na kanilang susulatan (face-to-face), o kaya’y galing sa pagkontak nila mismo sa iyo sa social media man o email din.
Basta, ‘wag mong kalimutang magpaalam sa pagkalap nito at sa paggamit nito sa marketing.
#2 Kunin ang persona ng iyong mga kustomer
Bago ka ma-excite sa paggawa ng email marketing campaign, tandaan na balewala ang lahat kung ‘di mo lubos na kilala ang kustomer mo. Magagawa mo ang pagkilala sa kanila sa pamamagitan ng pagsaliksik ng persona nila.
Ang persona ay ang kabuuan ng isang target market o target kustomer mo. Sa madaling salita, ito ang pag-alam sa lahat ng bagay tungkol sa personalidad, motibasyon, pangarap, kagustuhan (at ‘di kagustuhan) at ang kaugalian ng kustomer mo. Mahirap ba? Medyo. Pero padaliin natin nang kaunti.
Kumuha ka ng isang kustomer na nais mong maging mismong target mo. Interbyuhin mo siya na parang nag-iinterbyu ka ng aplikante sa trabaho. Isulat mo lahat ng kanyang kasagutan. Mahalaga ring maging masinsin sa pagtatanong. Tapos, analisahin nang mabuti ang nakalap mong impormasyon. Ayusin nang naaayon sa nais mong pag-target sa marketing mo. Ayan, handa ka na sa susunod na gawain.
#3 Kumuha ng email server provider
Ang pagpapadala ng email nang maramihan ay nagsisimula sa simpleng pag-send ng ordinaryong email sa iilang tao. Madalas, inilalagay ito sa BCC (blind copy) para ‘di makita ng iba kung kani-kanino mo ipinadala ang email. Kung mahigit sa 500 ang ipadadalang email, mag-register ka ng account sa MailChimp, para subukan ang serbisyo nila. Hanggang 2,000 ang kaya nilang padalhan ng email na libre. Kapag lumampas sa 2,000, may bayad na ‘to. Ang MailChimp ang isa sa pinaka-simpleng email server provider kung saan ang sistema nila ay may kasamang reports. Maisasaayos mo rin ang itsura ng email mo kasi may templates na sila. Dito, magagawa mo rin ang marami pang bagay para maayos mong maipadadala ang emails mo at maiiwasan na mapunta ito sa spam folder. Bukod sa MailChimp, marami pang providers.
#4 Mag A/B testing
Simple lang ang ibig sabihin nito. Mag-test ka muna sa iilang tao bago ka magpadala sa lahat.
Sa A/B Test ay magagawa mong mag-test ng iba’t ibang subject heading. Masusukat mo ang Open Rate kung saan binibilang ang porsiyento ng pagbukas ng emails ng mga pinadalhan mo. Pati na rin ang tinatawag na Click-Through rate ay masusukat. Ito ang pag-click ng isang tao sa nakalagay na link para malaman mo kung ilan ang nakalap mong leads.
#5 Disenyo ng email
Ang pagdisenyo mo ng email mo ang isa sa pinakamahalagang bagay sa email marketing. Narito kasi ang laman ng offer mo at kung saan mo sila nais papuntahin, pagkatapos basahin ang email mo.
Ang tip ko ay maiksi at nakaeengganyong Subject Heading para buksan nila ang email. Pagbukas, dapat, may nakaumang kang offer na madalas, kung ‘di libre, malaki ang diskwento.
Lagyan mo ng isang matinding Call To Action (CTA) o ‘yung maengganyong gagawin upang gawin ang nais mong ipagawa o puntahan ang nais mong papuntahan.
Madalas, may “Click Here” button ang mga email na ganito.
Konklusyon
Umpisa pa lang ito ng mga dapat mong gawin sa email marketing. Kung nais ninyo ng mas masinsin na diskusyon, email ninyo lang ako, ok?
Sa panahon ngayon at kailan pa man, ang mahalaga ay laging kang magdasal at magtiwala sa Diyos na Siyang may tunay na hawak ng magagandang plano para sa iyong buhay. Sipag at tiyaga at ang maayos na relasyon sa kapwa ay pangalagaan lagi – anuman ang marating mo sa buhay.
o0o
Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected].
Comments are closed.