KUMUSTA, ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Marami sa ating mga kababayan ang nasama sa hanay ng libo-libong nawalan ng trabaho sa unang tatlong buwan ng pandemya. Ang na-kalulungkot ay mas marami pa nga ang nakalinya rito. Dalawampung taon na ang nakararaan nang ako ay mapabilang sa ganitong sitwasyon dulot ng masamang ekonomiya. Dahil natuto na ako na ‘di dumepende sa kita sa suweldo, nagdesisiyon ako noon na magkaroon ng maliit na negosyo na maaaring sumalo kung sumama ang ekonomiya.
Sa pagkakataon ngayon, ang mumunting negosyo na aking nasimulan sa Amerika ay nakatutulong na sa mga ilang tao na nasa Filipinas. Ngayong nagtatanggalan sa maraming kompanya ay may maayos na kita ang aking mga ka-partner (‘di na sila basta empleyado). Oo, wala na akong empleyado kasi nga, kasama na sila sa pagnenegosyo! Kung ngayon ka palang magsisimula sa pagnenegosyo, alalahanin mong mahirap man ito sa simula – lalo na’t may krisis – gagaan ito sa hinaharap. Kailangan mo lang magsimula. Hayaan mong tulungan kita sa pamamagitan ng pitak na ito.Narito ang ilang tanong na dapat mong sagutin bago ka magsimula sa iyong negosyo. O siya, tara na at matuto!
#1 Bakit mo nais magsimula ng negosyo?
Ang tanong na ito ay mukhang simple kung ang sagot mo ay – “Para yumaman!” – ngunit malayo ito sa katotohanan kung titingnan mo ang bilang ng mga taong lubos na yumaman sa pagnenegosyo. Ilagay muna natin sa isang perspektiba ang pagyaman sa pagnenegosyo. Ang pagyaman kasi ay may kinal-aman sa maraming bagay kung ikaw ay nagnenegosyo. Bukod sa sipag at tiyaga, nariyan ang maaayos na cash flow, pagkalkula ng risk (o sugal), maayos na pamamalakad sa tauhan at higit sa lahat, ay pag-sasaayos ng mga sistema. Ang sagot mo sa tanong na bakit nais mong magsimula ng negosyo ay ‘di dapat na iayon sa pagyaman kundi sa pagnanais na maitaguyod ang pamilya, mga tauhan at magka-roon ng oportunidad na makatilong sa tao. Kung iyan ang unang batayan ng pagnenegosyo, nasa ta-mang landas ka na agad. Kung ang dulo nito ay ang lubos mong pagyaman, iyan ang mainam. Ang ma-halaga ay masagot mo nang tuwiran ang basikong dahilan na siyang gagabay sa maayos na landas ng pagnenegosyo.
#2 Anong uri ng negosyo ang nais mong itayo?
Maraming uri ng negosyo ang maaari mong itayo nang naaayon sa maraming bagay. Una, tanungin mo ang sarili mo kung ano ang pagkahilig (o passion) mo. Dito kasi nagsisimula ang pagmolde ng mga idea. Kasi nga naman punom-puno ang puso mo ng excitement. Ito ang unang tutulak sa iyo upang managin-ip ng isang negosyo, ‘di ba? Ikalawa, tingnan ang iyong skills o kasanayan. Naaayon ba ito sa pagkahilig mo sa isang bagay? May isa akong kaibigan na mahilig magdisenyo at lumikha ng mga damit mula sa kanyang mga lumang kasuotan. Naibebenta niya ito online. Ang ginawa niya ay nag-aral siya online sa pagtatahi. Ngayon, bumili na siya ng isang high-speed sewer at kasama ang ilang kapamilya, nagsimu-lang magtahi ng face mask. Ito ang una nilang produkto sa pagnenegosyo. Ang uri ng negosyo na nais mong itayo ay nakasalalay sa mga bagay na hilig mo at alam na ring gawin. Kung magkatugma na ito, simulan na ito ng iyong negosyo.
#3 Ano ang mga balakid na kinakaharap mo?
Lahat ng negosyo ay may balakid (o challenges) lalo na kung magsisimula ka pa lang. Alamin mo ito nang maigi at paigtingin ang pagpaplano para sa pagharap sa mga ito. Malamang, ang una mong balakid ay kapital, ‘di ba? Saliksikin ang mga paraan upang magawan mo ito ng paraan. Ang madalas kong kasagutan dito ay ang pagtingin sa sarili mo munang puhunan. May kilala akong nagkaroon ng isang ma-laki at malawak na negosyo ng ice candy sa halagang 500 pesos na panimulang kapital. Ang isang barbeque business naman ay nagsimula sa halagang 3,000 pesos. ‘Di alintana ang halaga ng kapital, may magagawa kang negosyo. Maaaring ‘di ito ang una mong naisip, maaari mo itong ikonekta sa dulo. Kailangan mo lang magsimula. Marunong ka bang magbenta o mag-sales? Isa rin itong balakid sa mga nais magnegosyo. Kailangan kasi ay marunong kang magbenta. Kung ‘di mo kayang ibenta ang isang ideya, halimbawa, paano ka magnenegosyo? Tandaan mo na kung walang puhunan sa simula, matuto kang magbenta ng mga bagay na may kinalaman sa magiging negosyo mo. Ang kita rito, kahit komisy-on, ay maaari mo nang gawing puhunan. Isang halimbawa ay ang paghango ng mga gulay sa mga nagbabagsak o wholesaler. Kung ikaw ang naglalako nito, ‘di mo kailangan ng puhunan dahil papa-tungan mo lang naman ito upang maging kita mo, ‘di ba? Ganyan ang simula ng mga nagtitinda na nga-yon sa palengke.
Anumang balakid ang hinaharap mo ay dapat pagplanuhan ang solusyon. Pag-isipan lang itong mabuti upang ‘di ka mabigla sa hinaharap.
#4 Sino-sino ang merkado mo?
Buo man ang ideya mo para sa produkto o serbisyong ilalako mo, kilalanin mo kung sino ang kostumer mo. Isa sa mga balakid na kinakaharap ng mga nagsisimulang nagnenegosyo ay ang pag-target na maigi sa kanilang magiging kostumer. Ang iba naman ay ‘di nila muna kinilala ang magiging kostumer kaya naman nasasayang ang maraming bagay. Ano-ano ba ang masamang kahihinatnan sa maling pag-target ng kostumer? Ang disenyo ng produkto o serbisyo ay mali kung ‘di naaayon sa panlasa o kagustuhan ng kostumer mo. Sayang ang oras at pera sa pagbebenta kung mali ang taong pinagbebentahan mo. Sa marketing na lang, sayang ang perang igugugol dito. Ang mas masama pa, may naka-pickup na ng ideya mo at naisaayos ang pag-market nito kaya sila ang nanalo! Sa pagpaplano, ayusin mo na agad ang pagtantya sa merkado mo. Kung sino ang dapat itarget mo, gawing masinsin ang pagsaliksik sa maraming bagay ayon sa iyong tinatarget na merkado. Ito ang simula kasi ng pagsasaayos ng iyong produkto o serbisyo nang naaayon sa kostumer.
#5 Ano’ng mga permit, lisensya etc. ang kailangan mo?
Bilang isang maayos at legal na negosyo, kailangan mong malaman ang lahat ng patungkol dito. Marami kasi ang nagsisimula nang ‘di man lang tinitingnan ang bagay na ito. Kaya sa dulo sila nagkakaproblema. Tandaan na mahalaga ang maayos na negosyo sa legal na paraan upang ‘di ka magkaroon ng problema na siya namang ikasasara ng iyong negosyo – mapa-online man ito o hindi.
Konklusyon
Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito dahil ngayon, ikaw na ang boss! Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang mag tagumpay, ka-negosyo!
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.
Comments are closed.