$832.07-M HOT MONEY NET INFLOW

HOT MONEY

NAGING positibo ang short-term investments na ginawa ng mga foreign investor sa Filipinas noong Nobyembre, na nagpapakita ng panunumbalik ng paborableng global investor sentiment sa bansa para sa mga darating na buwan.

Sa datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang foreign portfolio invesments  (FPIs) ay bumalik sa net inflow territory noong Nobyembre makaraang mabaon sa dalawang sunod na buwan.

Ang foreign portfolio investments ay tinatawag ding ‘hot money’ dahil sa kaluwagan ng pagpasok at paglabas ng pondo sa merkado

Ang November FPIs ay nagbunga ng net inflow na $832.07 million kung saan ang $1.21 billion withdrawals para sa nasabing panahon ay nahigitan ng $2.04 billion placements.

Ito ang pangalawang pinakamalaking net inflow para sa taon, sumusunod sa $1.1 billion noong Marso, lubhang mataas kumpara sa $107.7 million na naitala sa kahalintulad na buwan noong nakaraang taon.

Nakabawi rin nang malaki ang local currency, na karaniwan ding sukatan ng damdamin para sa ekonomiya, noong Nobyembre para magtala ng average na P52.808 kontra dolyar mula sa average na P54.009:$1 sa mga naunang buwan.

Buwan ng Nobyembre nang unang bumagal ang inflation sa 6 percent mula sa 6.7 percent peak sa sinundang buwan.

Ayon sa BSP, ang positibong kaganapan na ito ay dahil sa pagbaba ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado, sa desisyon ng central bank na itaas ang policy rate nito; at sa pag-usad ng rice tariffication bill, na pawang inaasahang magpapahupa sa inflation.

Sinabi pa ng central bank  na ang pagbisita ni  Chinese President Xi Jinping sa bansa, na inaasahang lalong magpapatatag sa ugnayan sa China pagdating sa diplomacy at business development, ay nagtulak din sa damdamin sa positive territory.

Sa datos pa ng BSP,  66.8 percent ng investments na naitala sa nasabing buwan ay sa PSE-listed securities—karamihan ay sa food, beverage at tobacco companies holding firms, property companies, banks, at utilities companies.

Ang 33.2 percent balance ay napunta sa Peso government securities (GS). Ang mga transaksiyon sa Peso GS at PSE-listed securities ay nagbunga ng net inflows na $510 million at $322 million, ayon sa pagkakasunod.

Ang United Kingdom, Singapore, United States, British Virgin Islands at Cayman Islands ang top 5 investor countries para sa buwan, na may combined share na 83.5 percent.  BIANCA CUARESMA

Comments are closed.