ANG pagkawala nina June Mar Fajardo at Greg Slaughter ay inaasahang magdaragdag ng excitement sa pagbubukas ng PBA 45th season sa Marso 8 sa Smart Araneta Coliseum. Labing-isa sa 12 koponan na dumalo sa pre-season media conference ay umaasang gagawa ang San Miguel Beer ng adjustments sa pagkawala ni Fajardo sa pagtatangka ng koponan sa ika-6 na sunod na korona sa importless season opener.
Ganito rin ang inaasahan para sa Barangay Ginebra, na maglalaro na wala si Slaughter makaraang magpasiya ang seven-foot behemoth na magbakasyon muna.
Sa kabila nito ay naniniwala ang mga kinatawan ng iba’t ibang koponan na mananatiling kabilang sa mga paborito ang Beermen at Gin Kings.
“San Miguel and Ginebra will make their adjustments,” wika ni Bobby Rosales ng Columbian, na siya ring vice chairman ng liga.
“Last year, I predicted San Miguel would win and I was proven right,” ani Silliman Sy ng Blackwater. “This year I place my bet on Ginebra because it remains a very strong team.”
“Even without June Mar and Slaughter those two teams remain the ones to beat because of their experience,” pahayag ni Eric Arejola ng NorthPort.
Ayaw namang magkumpiyansa ng Beermen.
“Ito ang magiging pinakamabigat na season for us,” sabi ni Robert Non ng SMB. “Kasi, grabe ang injury ni June Mar and he may be out the whole season. We just hope the coaching staff can come up with the necessary adjustments and the players can step up, adapt — and fast.”
Samantala, mananatiling suspendido si Calvin Abueva sa 2020 PBA Philippine Cup hanggang hindi niya nakukumpleto ang mga requirement na kinakailangan para makabalik siya sa paglalaro.
Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, hindi pa rin makapaglalaro si Abueva sa nalalapit na conference subalit nag-uusap, aniya, sila ng kontrobersiyal na forward hinggil sa bagay na ito.
“Nag-uusap kami. May pinag-uusapan pa kami. May pinagagawa pa ako,” wika ni Marcial sa isang press conference kahapon sa Conrad Hotel sa Pasay City.
Si Abueva ay pinatawan ng indefinite suspension ng PBA noong Hunyo ng nakaraang taon dahil sa sunod-sunod na paglabag sa liga, kabilang ang pakikipag-away sa girlfriend ni noo’y Blackwater rookie Ray Parks.