UNTI-UNTI nang naibabalik ni Japeth Aguilar ang kanyang dating porma na nakatulong sa Barangay Ginebra upang sumalo sa top spot sa PBA Philippine Cup.
Sa tuluyang pagrekober ng 6-foot-9 veteran mula sa left calf injury, naitala ng Gin Kings ang dalawang malaking panalo noong nakaraang linggo para sa 4-1 record at makasosyo sa No. 1 spot ang San Miguel Beer.
Pinangunahan ni Aguilar ang comeback win ng Ginebra kontra NLEX (83-75), at pagkatapos ay naitakas ang 75-72 panalo laban sa Beermen sa likod ng double-double average na 17.5 points at 10.5 rebounds ni Aguilar.
Bumuslo rin siya ng 54 percent mula sa field at nagtala ng 2.5 blocks per game upang kunin ang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week honor para sa June 22-26 period.
Umiskor si Aguilar ng 20 points sa 9-of-13 shooting, kumalawit ng 7 rebounds, at gumawa ng 3 blocks nang humabol ang Ginebra mula sa 19 points deficit upang pataubin ang NLEX.
Sa panalo ng Kings kontra Beermen, ang anak ni dating PBA player Peter Aguilar ay kumamada ng 15 points, 14 boards, at 2 blocked shots.
Ang kambal na panalo ng Kings ay nagbigay rin kay coach Tim Cone ng ‘fitting sendoff’ dahil mawawala siya sa susunod na apat na laro ng koponan para samahan ang Miami Heat staff sa NBA Summer League.
Nominado rin para sa weekly plum na ipinagkakaloob ng mga regular na nagko- cover sa PBA beat ang teammates ni Aguilar na sina Scottie Thompson at Christian Standhardinger, TNT’s Mikey Williams, RR Pogoy at Poy Erram, Magnolia’s Mark Barroca, Aris Dionisio at Jio Jalalon, at Ato Ular, Yousef Taha at Jvee Casio ng Blackwater.
– CLYDE MARIANO