SINAGOT na ng legal counsel ni Ai-Ai delas Alas ang desisyon ng Quezon City Council na ideklara siyang persona non grata, kasama ang direktor na si Darryl Yap, dahil sa kanilang kontrobersiyal na viral video.
Ipinanukala ni outgoing Quezon City councilor Ivy Lagman ang pagdedeklarang persona non grata ang dalawa dahil binastos umano nila ang official triangular seal ng lungsod na pinalitan ng “BBM” at “Sara.”
Inaprobahan naman ito ng konseho.
Sa video, umarte si Ai-Ai bilang Honorable Mayor Ligaya Delmonte na nagbibigay ng mensahe mula sa kanyang tanggapan at si Darryl naman ang director nito. Ginamit ang online campaign video sa pag-endorso kay Anakalusugan Representative Mike Defensor, na tumakbong mayor sa Quezon City.
Sinabi naman ng abugado ni Ai-Ai na si Atty. Charo V. Rejuso-Munsayac, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng resolusyon ng Quezon City Council, ngunit ang video umano ay “a satire, a parody,” na hindi dapat seryosohin, kahit pa ang seal na naging ugat ng kontrobersya.
Sa ginawa umano ng QC ay nalalagay ngayon sa panganib ang “freedom of expression” na nagbibigay proteksiyon sa “artists, entertainers, content creators, and comedians” na gumagamit ng satire o parody upang ihayag ang kanilang sentimyento o pagbatikos sa “public acts or figures.”
Paglilinaw naman ni Lagman, ang persona non grata ay nangangahulugan lamang na hindi welcome sina Ai-Ai at Daryl sa QC, pero nag-a-apply ito sa mga foreign diplomats batay sa Vienna Convention, kapag may hindi magandang ginawa. Hindi umano ito maipapatupad sa hindi foreigner.
Sa madaling sabi, pwede pa ring mag-shopping sina Ai-Ai at Darryl sa QC pero hindi sila welcome. Pero kung hihingi umano sila ng public apology, patatawarin sila.
Sa panig naman ni Darryl, nauunawaan niya si QC Mayor Joy Belmonte dahil kaibigan ito ni Senator Imee Marcos. Pero pinanindigan niyang ang Ligaya Delmonte video ay isang spoof. Naniniwala umano siyang may iba pang dahilan kung bakit sila na-offend. Para kay Yap, “immature, elementary, at rudimentary” ang naging aksyon ng mga tagakonseho. Ayaw raw niyang lumabas na mayabang at mapagmalaki pero okay lang daw sa kanyang madeklarang persona non grata sa QC basta hindi siya declared unwelcomed sa social media
HERLENE BUDOL AYAW MAGPA-PICTURE SA BUROL NG LOLA
Nakiusap si Herlene Nicole Budol, aka Hipon Girl, sa kanyang mga fans na huwag magpa-picture sa burol ni Nanay Bireng bilang respeto sa kanyang lola.
Sa huling lamay umano ni Nanay Bireng, pamilya at mga malalapit na kaibigan lamang ang magsasama-sama upang magkaroon sila ng privacy kahit paano. Pagkatapos umano nito ay mapapanood sa Puregold Channel sa YouTube ang unang episode ng digital romcom series ni Herlene na “Ang Babae Sa Likod ng Face Mask,” kasana sina Joseph Marco, Mickey Ferriols, Kiray Celis, Hasna Cabral, VJ Mendoza, at Fe Saligumba. Our condolences Hipon Girl.
BEA ALONZO BUMALIK SA SPAIN PARA AYUSIN ANG GOLDEN VISA
Bukod sa pagbili ng apartment, isa sa mga dahilan ni Bea Alonzo sa pagbalik sa Spain ay ang pag-aayos ng kanyang Golden Visa at i-finalize ang interiors ng kanyang bahay.
Pero wala raw siyang balak magpalit ng citizenship. Gusto lang umano niyang maging automatic resident kaya siya bumili ng property.
Ang Golden Visa ay ibinibigay ng Spain at Portugal sa mga mayayamang bumibili ng property sa kanilang bansa, o kaya naman ay may malaking investment o donasyon.
LARA QUIGAMAN, MARCO ALCARAZ SURE NA DI MAGHIHIWALAY
Sumama ang loob ng mag-asawang beauty queen at aktres Lara Quigaman at Marco Alcaraz sa patutsada ng isang netizen na maghihiwalay din sila tulad ng iba pang celebrity couples.
Paano nga naman, sunud-sunod ang iwalayan tulad nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla, Jason Hernandez at Moira dela Torre, Carla Abellana at Tom Rodriguez at iba pa.
Ani Lara, hindi madali ang pagsasama ng mag-asawa lalo na silang 12 taon nang nagsasama, pero Diyos umano ang nasa kanilang pagitan ni Marco kaya lagi silang nakakalampas sa pagsubok. Ikinasal sina Lara at Marco sa civil rites na may spiritual blessing sa Canada noong 2010 at engrandeng kasalan sa Hacienda Isabella sa Indang, Cavite, noong July 2012. Tatlo na ang kanilang anak, sina Noah, Tobias, at Moses, at nangangako silang hindi sila maghihiwalay
JANINE GUTIERREZ NAGTANGKANG MAGING AMIHAN SA ENCANTRADIA 2016
Akalain mo, nag-audition pala si Janine Gutierrez para sa character ng Amihan noong 2016 reboot ng Encantadia pero hindi siya napili, at sa halip ay napunta ito kay Kylie Padilla.
Nakasama raw naman siya sa shortlist pero hindi pa rin siya nakuha, kaya sobrang heart broken noon. In fairness, nagkaroon din naman siya ng maliit na role bilang Agua, ang gabay-diwa ng brilyante ng tubig.
“Parang di ko ma-gets, oh my gosh, like parang gusto kong gawin ito, pero I didn’t get it.”
Five years later, nakuha ni Janine ang role sa Ngayon Kaya at saka lamang niya na-realize na hindi pala talaga para sa kanya ang Amihan role sa Encantadia reboot dahil sa NK pala siya Amihan.
MGA ANAK NI RUFFA GUTIERREZ DADALAW SA AMA SA TURKEY
Makikipagkita pala sa kanilang amang si Yilmas Bektas ang mga anak ni Ruffa Gutierrezna sina Lorin at Venice. Magkikita-kita sila sa Istanbul, Turkey kasama ang pamilya ng kanyang ex-husband kaya parang family reunion na rin.
Dapat lang naman dahil 15 years na pala silang hindi nagkikita.
Masaya si Ruff ana masaya ang kanyang mga anak. Karapatan din naman ng mga itong makasama ang kanilang ama kahit paano, di ba?
Na-annul ang kasal nina Ruffa at Yilmaz noong February 2012, pero hiwalay na sila noon pang 2007.
Tumakas umano si Ruffa sa Turkey dahil inaabuso siya ng kanyang asawa. Pero kahit kalian, hindi raw pinagsisisihan ni Ruffa na nakasal siya kay Yilmas.