ITO ay tunay na pangyayari. Si Jo ay dati kong ka-opisina. Maliit lang ang suweldo niya at hirap na hirap siyang pagkasyahin ang pera niya para sa kanyang malaking mag-anak. May asawa siyang walang trabaho noon, at apat ang kanilang anak, at may isa pang anak sa unang asawa ang kanyang asawa. Matapang at palaban ang ugali ni Jo, marahil dahil sa kailangan niyang makipagbuno sa hirap ng buhay. Inis na inis siya sa stepdaughter niya. Lagi niyang inaaway at pinagagalitan ito dahil hindi ito malambing at mapagpasakop sa kanya. Samantala, pinamimihasa ni Jing, ang asawa ni Jo, ang anak niyang ito dahil wala na nga ang tunay na ina nito.
Maraming ka-opisina ang palihim na naiinis sa ugali ni Jo dahil ubod siya nang tapang; para siyang palengkera. Nagtayo ako ng Bible Study sa opisina at naakit namin ng mga kasama ko na sumali si Jo. Nang malaman niyang si Jesus ang namatay para bayaran ang kanyang mga kasalanan, nag-sisi siya at tumanggap sa Panginoon. Dahan-dahang nagbago ang ugali niya. Lumago siya sa kanyang pananampalataya. Naging mapagkumbaba siya. Naging mapagmahal siya sa kanyang buong pamilya, lalong-lalo na sa kanyang stepdaughter.
Umattend si Jo sa isang simbahang Kristiyano sa Lagro, na kapitbahay lamang nila. Natuto si Jo na manalig nang lubusan sa Panginoon sa pama-magitan ng simbahang iyon. Lumaki ang pananampalataya niya. Dahil sa malaking pagbabago ng ugali niya, unti-unti niyang naakay ang buo niyang pamilya na umattend sa simbahang iyon. ‘Di naglaon, naging Kristiyano ang buo niyang pamilya, pati asawa niyang si Jing at ang stepdaughter. Dahil sa laki ng pananampalataya ni Jo, natuto siyang maging generous giver sa Diyos. Naging aktibo ang buong pamilya niya sa gawain ng simbahan.
Nang lumaki na ang mga anak niya at malapit nang magkolehiyo, hindi na talaga magkasya ang kita ni Jo. Dahil walang mahanap na trabaho si Jing sa Pilipinas, naisipan nilang makipagsapalaran sa Australia. Malaking risgo ang gagawin nila dahil kapwa sila wala namang siguradong trabaho sa Aus-tralia. Wala rin silang tiyak na bahay na titirhan doon. Naglakas ng loob si Jo sa hakbang na ito. Hiniling niya ang taimtim na panalangin ng mga kapatid sa simbahan. May isang Filipino Christian church sa Sydney, Australia na konektado sa simbahan nila sa Lagro. Naisipan ni Jo na umugnay sa sim-bahang ito. Ang ginawa ni Jo at pamilya niya ay ibinigay nila ang bahay at lupa nila sa simbahan sa Lagro. Ang maraming gamit sa bahay na hindi nila madadala sa Australia ay ipinamigay rin nila sa mga mahihirap na miyembro ng simbahan. Ipinanalangin sila ng simbahang iyon para huwag silang pagkulangin sa anumang bagay sa Australia.
Pagpunta nila sa Australia, umattend sila sa Filipino Christian church. Napakaganda ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa simbahang iyon. Talagang nagtutulungan sila. Ipinamumuhay nila ang pag-ibig na iniutos ng Diyos. Nagrenta sina Jo ng isang apartment. Naging aktibo ang buo niyang pamilya sa gawaing simbahan. Naging usher si Jo, si Jing naman ay nag-volunteer magluto ng pagkain; at nasama sa Music ministry ang lahat ng mga anak nila. Pambihira ang kabaitan ng mga kapatid sa iglesyang iyon. Nang malaman nila na walang bahay ang pamilya ni Jo, na ibinigay nila bilang donasyon ang bahay nila sa Pilipinas, at bagong salta lang sila sa Australia, may isang mayamang miyembro ang nag-donate ng bahay at lupa sa kanila. Puwede nilang gamitin nang walang bayad hanggang kailangan nila. Nagkaroon sila ng sariling bahay nang walang bayad! Bukod dito, maraming miyembro ang nag-donate ng mga gamit sa bahay, muwebles, damit, at iba pang pangangailangan. Lahat nang ipinamigay ni Jo sa simbahan sa Lagro ay ibinalik ng Diyos sa kanila sa Australia, at mahigit pa.
Dahil magaling magluto si Jing, nag-volunteer siyang magluto para sa church camp. Nagulat ang lahat ng mga miyembro na napakasarap ng lutong Pinoy ni Jing. Takam na takam sa Filipino food ang mga miyembro ng simbahan. Inirekomenda si Jing at marami ang umorder ng mga luto niya. Dahil sa laki ng demand, nagtayo na ng negosyong catering si Jing. Pinagpala ng Diyos ang kanilang negosyo. Lumaki ang kanilang ipon at nakabili sila ng sarili nilang bahay at lupa. Ibinalik nila ang bahay na ipinahiram sa kanila; at sa ibang miyembro naman pinahiram ito. Napagtapos nila sa pag-aaral sa kolehiyo sa Australia ang lima nilang anak. Ngayon ay mga professional na ang lahat nilang mga anak.
Ngayon ay retirado na sina Jo at Jing. Ginugugol nila ang panahon nila para mag-ambag ng tulong sa mga mahihirap na miyembro ng simbahan. Nagtuturista silang mag-asawa sa maraming bansa.
Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.