ANG PAGYAMAN NG ISANG ANAK NG SECURITY GUARD

rene resurrection

ITO ay tunay na pangyayari.  Si Belle ay dating batang squatter.  Ang tatay niya ay isang security guard.  Ang nanay niya ay nasa bahay lang para mag-alaga sa pitong anak.  Ang tatay ni Belle ay tahimik na tao, magalang sa kapwa, at may edad na 60.

Ang problema niya ay mainitin ang ulo, lalo na kapag nayuyurakan ang kanyang dangal. Minsan, may nakabangga itona mayabang na mayamang tao.  Hinamak at ininsulto siya ng mayaman sa harapan ng maraming tao.  Ayaw makinig sa pakiusap ng tatay.  Dahil lasing, naglabas ng baril ang mayaman para takutin ang guard, at pagkatapos ay nanampal pa. Nagdilim ang paningin ng guard at binaril ang mayamang tao na ikinamatay nito.  Nakulong ang tatay ni Belle sa Bilibid.

Lalong naghikahos sa hirap ang kanyang pamilya dahil nawala ang taong bumubuhay sa kanila.  Ang laki ng pagsisisi niya sa nagawa. Lumapit sa Diyos si Belle para mailigtas ang ama.  Tinanggap niya ang Panginoon sa kanyang buhay, at kasama ng ibang Kristiyano, ipinanalangin ang ama.  Nagkaroon ng mahabang paglilitis sa korte.  Paglipas ng panahon, napatawad ang ama at napalaya siya.  Humiling ito ng Bible Study sa kanyang tahanan at ang buong pamilya ay tumanggap sa Panginoon.

Bagama’t mahirap sa buhay, hindi nagpatalo si Belle.  Buo ang kanyang kaloobang makapagtapos ng pag-aaral.  Lumapit siya sa isang foundation na nakabase sa Ateneo University at binigyan siya ng scholarship para makapagtapos ng kursong Social Work.  Dahil sa sipag at tiyaga, matataas ang mga grado niya.  Sinadya ni Belle na hindi mag-asawa agad.  Tiniyak niya munang may ipon at tirahan siyang sarili bago mag-asawa.  Hindi niya pinansin ang maraming lalaking kapitbahay na nanliligaw sa kanya na pawang hindi nagtapos ng pag-aaral at walang trabaho. Pumili si Belle ng isang lalaking may takot sa Diyos at nagtapos sa kolehiyo.    Isa lang ang kanilang naging anak dahil ayaw nilang maghirap ang batang ito.  Hindi sila naging  maluho sa buhay.  Nakatutok sila sa pagtatrabaho, pagkita ng malinis na pera, at paglilingkod sa Diyos.

Dahil sa kanyang magandang track record sa paaralan at trabaho, inirekomenda siyang maging social worker ng isang international NGO, ang Norwegian Missionary Alliance.  Tumutulong ito sa mga pamilyang maralita, lalo na sa mga kabataan.  Nagbibigay ito ng scholarship at pagsasanay sa vocational skills sa mga urban poor.  Dahil nanggaling si Belle sa squatter, nauunawaan niya ang pangangailangan ng mga mahihirap.  Naging malapit ang kalooban niya sa mga batang tinutulungan.  Pinamahala siya sa isang distrito ng urban poor sa Maynila.  Napakaganda ng mga programang dinisenyo niya.  Binibisita niya ang mga bahay-bahay, kinakausap at binibigyan ng counseling ang mga magulang.  Gumawa siya ng records ng bawat batang tinutulungan at tinututukan niya ang pag-aaral at pag-unlad ng mga ito.  Nag-oorganisa siya ng mga seminar para maturuan kapwa ang mga magulang at mga kabataan.  Holistic ang mga programa niya.  Pumipili siya ng mga  mahuhusay na tagapagturong epektibong makapagpapabago ng buhay ng mga tagapakinig.  Kapag hindi mahusay ang isang tagapagsalita, hindi na niyai   niimbitahan ulit.   Tinitira lang niya ang mga subok at may mataas na ebalwasyon ng mga kalahok.

Dahil sa husay ni Belle, siya ay napiling umattend ng mga conference sa iba’t ibang bansa para matutunan ang mga  metodo ng iba’t bang sangay ng kanilang NGO.  Nagturo rin siya ng mga magagandang practices na ginanagawa sa Pilipinas.  Hangang-hanga sa kanya ang mga Norwegian donor.   Na-promote si Belle hanggang maging isa siyang  manager na maraming pinamamahalaang distrito.  Ayaw siyang pakawalan ng kanyang boss dahil masasakripisyo ang lahat ng mga magagandang programa niya.

Maraming Nowegian donors at volunteers ang bumibisita sa Pilipinas.  Pinapasyal sila ni Belle sa mga proyekto nila sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.  Ipinakikilala niya ang mga gradweyt nila.  Kitang-kita ng mga donor na talagang mabisa ang mga proyektong pinamamahalaan ni Belle, kaya lalong dumami ang mga gustong mag-donate sa kanilang NGO.

Pagkaradweyt ng mga estudyanteng natutulungan, ipinapasok sila ni Belle sa iba’t ibang mga opisina para tiyak na  may trabahong makukuha.  Nagbigay rin si Belle ng mga seminar tungkol sa wastong pagpili ng asawa at tamang relasyon ng mag-asawa at mag-anak.  Dahil sa sariling karanansan ni Belle, inabisuhan niya ang mga iskolar na huwag magmamadaling mag-asawa.  Dapat ay piliin ang magiging asawa na nakapag-aral din.  At huwag sila magpaparami ng mga anak na hindi nila kayang buhayin.  Dapat ay tama lang ang dami tulad ng dalawa o tatlo.  Sa ganitong paraan, maraming mga dating maralitang kabataan ang nakaahon mula sa hirap at ngayon ay matatag at maasenso na ang buhay.

Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isanglibo.

Comments are closed.