ANTIBIOTICS HUWAG GAWING PARANG CANDY

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

Halos normal na sa atin na magkaimpeksiyon. Ayon sa pag-aaral, nagkakasakit na sanhi ng impeksiyon ang isang tao dalawa (2) hanggang tatlong (3) beses sa isang taon. Maaari itong dulot ng iba’t ibang mikrobyo na nasa ating paligid at maaari tayong ma-expose dito, ngunit hindi nagbibigay ng kahit anong sakit dahil sa ating immune system na lumalaban dito bago pa man ito magmanipesto. Ngunit minsan gawa na rin ng pagbaba ng ating resistensiya mula sa maraming kadahilanan tulad ng puyat, pagod, stress at kulang sa tamang nutrisyon at pati na rin sa tapang ng mikrobyo na ating nakukuha, ito ay tuluyang magiging dahilan ng isang sakit.

Ang impeksiyon ay nasusugpo ng tinatawag na antibiotics. Ang sanhi nito ay maa­aring virus, bacteria, amoeba at kung minsan pati fungus. Ngunit ang isang maling opinyon na atin ng nakasanayan ay ang pag-inom ng antibiotiko na walang indikasyon. Hindi lahat ng impeksiyon ay nangangailangan ng antibiotiko sapagkat may mga impeksiyon na nareresolba ng kusa sa pamamagitan lang ng mga supportive measures at tamang pahinga. May mga indikasyon sa pag-inom ng antibiotiko at isa na rito ay ang pagiging progresibo ng isang sakit, ibig sabihin ay tuloy-tuloy at hindi nawawala kahit pa ating ginagamot ang mga sintomas nito.

Ang pag-inom ng antibiotiko ng walang indikasyon ay may masamang dulot sa atin at sa ibang tao, at ito ay ang tinatawag na “Antibiotic Resistance”. Ang ibig sabihin ay tumatapang ang mikrobyo, at ang mga pamuksa rito na antibiotiko ay nawawalan na ng silbi. Ito ang bagay na nagpapahirap para sugpuin ang isang sakit, sapagkat limitado lang ang mga available na uri ng antibiotiko sa merkado.

Ang antibiotiko ay “Prescription Medicine” na ang ibig sabihin ay hindi ka makakukuha nito kung walang reseta galing sa doctor. Sa kasamaang palad, may mangilanngilan pa rin na Pharmacy na sumasalu­ngat sa alituntuning legal na ito, kaya tayo ay nakakakuha nito ng kahit walang reseta. Ang bagay na ito ay kinakailangan ng kaukulang disiplina mula sa atin at superbisyon ng mga ahensiya na nangangasiwa rito.

Sa anumang katanungan, maaari po kayong mag-email sa [email protected] o mag-komento sa facebook medicusetlegem page.

Comments are closed.