APRIL INFLATION BUMAGAL SA 6.6%

BSP-INFLATION

SA IKATLONG sunod na buwan ay patuloy na bumaba ang inflation rate noong Abril, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang briefing, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na bumagal ang inflation sa 6.6% noong nakaraang buwan mula 7.6% noong Marso, na naghatid sa year-to-date rate sa 7.9%.

Ang inflation rate noong Abril ay pasok sa 6.3% hanggang 7.1% forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa buwan.

Ayon kay Mapa, ang food and non-alcoholic beverages ang major contributor sa mas mababang inflation noong nakaraang buwan, sa likod ng pagbagal sa pagtaas sa presyo ng gulay, isda, at karne.

Nakatulong din ang pagbaba sa presyo ng petrolyo, at ng housing rentals, electricity, at water rates sa pagbagal ng inflation.

Ang inflation rate sa Metro Manila ay bumagal din sa 7.1% noong Abril laban sa 7.8% noong Marso.

Sa labas ng Metro Manila, ang inflation ay bumaba sa 6.5% mula 7.5% noong Marso.

Ayon kay Mapa, ang Western Visayas ang nagtala ng pinakamataas na inflation sa 8.2%, habang ang Cordillera Administrative Region ay may pinakamababa sa 4.3%.

Sinabi pa ng opisyal na ang lahat ng 16 rehiyon sa bansa ay nagposte ng mas mabagal na inflation noong nakaraang buwan.