(Aprub na sa DTI)TAAS-PRESYO SA PINOY TASTY, PINOY PANDESAL

TASTY BREAD

APRUBADO na sa Department of Trade and Industry (DTI) ang P2 taas-presyo sa kada piraso ng Pinoy Tasty at 10-piece pack ng pandesal, ayon sa isang grupo ng mga panadero.

Sinabi ni Asosasyon ng Panaderong Pilipino President Chito Chavez na para mapanatili ang kalidad ay kinailangang magtaas ng presyo ng naturang mga produkto dahil tumaas din ang halaga ng raw materials.

“Alam ninyo po ang desisyon ng mga manufacturers ng Pinoy Tasty at Pinoy pandesal ay mahigit na pong isang taon. Ang hinihingi po namin ay P4 na increase bawat piraso ng Pinoy Tasty at P4 per pack of 10 ng pandesal,” ani Chavez.

“Ang alam ko kahapon ay pinagbigyan sa halagang P2 per pack,” aniya.

Ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ay mas mura kumpara sa kanilang commercial counterparts dahil bahagi sila ng corporate social responsibility ng malalaking panaderya. Sakop din sila ng suggested retail price (SRP) ng DTI.

Inanunsiyo ng DTI noong nakaraang linggo na ang SRP ng 450g Pinoy Tasty ay P40.50 na ngayon mula P38.50, habang ang 10 piraso ng pandesal ay nagkakahalaga na ng P25 mula P23.50.