(Aprub na sa Senado) DAGDAG DISABILITY PENSION SA VETERANS

SENADO

APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na magtatakda ng 350 hanggang 488 porsiyentong pagtaas sa disability pension ng mga beterano at kanilang mga benepisyaryo.

Layon ng Senate Bill No. 1480 ni Senador Jinggoy Estrada na i-upgrade ang buwanang pensiyon ng mga beteranong na-disabled bunsod ng pagkakasakit, pagkakasugat o pinsalang natamo habang sila ay nasa tungkulin.

“Sa totoo lang, matagal nang dapat naisabatas ang panukalang ito. Matagal nang naghihintay ang ating mga beterano na may kapansanan at nasugatan sa tungkulin na ma-update ang kanilang buwanang disability pension na nanatili ang rates sa loob ng 29 na taon,” anang chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security.

“Ang pagsasabatas nito ay isang paraan ng pagpupugay sa ating mga beteranong sundalo na naglingkod at nagtanggol sa bansa noong kanilang kalakasan, at ngayon, sa kanilang pagtanda, masisiguro na mabibigyan sila at kanilang pamilya ng sapat na benepisyo at tulong,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng SB 1480 o ang iminungkahing batas na Rationalizing the Disability Pension of Veterans, ang base rate ng disability pension ay itataas sa P4,500 mula sa kasalukuyang natatanggap nila na P1,000. Ito ay may katumbas na pagtaas na 350%.

Ang mga kasalukuyang tumatanggap ng buwanang disability pension na P1,200; P1,300; P1,400; P1,500; at P1,600 ay magiging P6,100; P6,900; P7,700; P8,500, at P9,300 na, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Samantala, ang kasalukuyang P1,700 na buwanang pensiyon na may pinakamataas na disability rating ay magiging P10,000 na. Ito ay may pagtaas na P8,300 o katumbas ng 488%.

Ang P500 na buwanang pensiyon para sa asawa at mga menor de edad na anak ay gagawin nang P1,000.
Kinilala ni Estrada ang mga kontribusyon ni Sen. Sonny Angara, chairperson ng Committee on Finance sa pagbalangkas ng panukala, maging ang kanyang mga kapwa may-akda na sina Majority Leader Sen. Joel Villanueva, Senate President Pro Tempore Sen. Loren Legarda, Sen. Lito Lapid, Sen. Cynthia Villar, at ang kanyang mga committee vice chairpersons na sina Senators Francis Tolentino, Christopher Go, Ramon Bong Revilla Jr., Ronald dela Rosa, at Robin Padilla.

Binanggit din niya si Minority Leader Aquilino Pimentel III na aniya’y katuwang sa pagsasaayos ng probisyon ng panukalang batas.

-VICKY CERVALES