(Aprub sa DTI) SRP HIKE SA 73 BASIC, PRIME GOODS

INILABAS ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Huwebes ang bagong suggested retail prices (SRPs) ng basic necessities at prime commodities makaraang aprubahan ang SRP hike para sa 73 units.

Sa datos ng DTI, ang basic goods at prime commodities na tinaasan ang SRPs ay kinabibilangan ng canned sardines, processed milk, bread, instant noodles, salt, detergent soap, bottled water, candles, processed canned meat and canned beef products, toilet soap, at battery.

Mula sa 73 shelf keeping units (SKUs), 20 items ang may SRP increase na 1 hanggang 5 percent. Kinabibilangan ito ng 3 SKUs ng canned sardines, 4 SKUs ng instant noodles, 4 items ng detergent soap, 3 bottled water, 1 processed canned meat at canned beef, 2 units ng toilet soap, at 3 SKUs ng battery.

Marami pang SKUs ang nagtaas ng  SRPs mula 6 hanggang 10 percent na may 43 units sa listahan, kabilang ang canned sardines (2), processed milk (7), bread (2), salt (6), detergent soap (2), bottled water (4), candles (8), processed canned meat and canned beef products (7), toilet soap (4), at battery (1).

Sampung SKUs ang may SRP increase na mahigit 10 percent, na kinabibilangan ng 1 SKU ng bawat detergent soap at bottle water soap at 8 SKUs ng kandila.

Ang DTI ay huling nag-update ng SRP noong Aug. 29, 2021. PNA