ATENEO KAMPEON ULIT

ateneo blue eagle

MULING nadominahan ng ­Ateneo Blue Eagles ang University of the Philippines Fighting Maroons, 99-81, para madagit ang ikalawang sunod na korona sa UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.

Sa ekspertong gabay ni coach Tab Baldwin ay hindi hinayaan ng Blue Eagles na makahirit ang Fighting Maroons ng deciding Game 3.

Habang nagsasaya ang Eagles sa kanilang matagumpay na title campaign ay  malungkot at umiiyak naman ang Maroons, gayundin ang mga estudyante nito, sa kabiguang maibalik ang korona sa kanilang campus na nawala, may 32 taon na ang nakalilipas, o noong 1986.

Huling nagkampeon ang UP noong 1986 sa ilalim ni coach Joe Lipa at sa pangunguna nina Benjie Paras at Ronnie Magsanoc makaraang gapiin ang UE Red Warriors nina Allan Caidic at Jerry Codinera.

“The boys played hard and used all their resources to win. They really played hard to retain the crown,” sabi ni Baldwin.

Mataas ang morale makaraang kunin ang Game 1 sa best-of-three title series, muling dinaig ng Ateneo ang UP sa shooting contest sa loob ng 40 minuto.

Dinomina ng Ateneo ang laro kung saan tatlong beses itong lumamang ng  21 points, ang  huli ay 97-76, sa tira ni Thirdy Ravena. Kumana si  Ravena ng game- high 38 points at itinanghal na Finals MVP. Tumanggap si Ravena ng P125,000 cash bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan na muling naghatid sa Ateneo sa tagumpay.

Ang panalo ng Eagles sa Maroons ang  pinaka-lopsided sa finals ng UAAP men’s basketball.

Ang poor shots selection at sablay sa free throws ang dahilan ng pagkatalo ng UP, sa lungkot ni coach Bo Perasol at ng buong UP community.

Naging sandigan din ng Ateneo ang championship experience upang igupo ang UP.

Iskor:

Ateneo (99) – Ravena 38, Kouame 22, Verano 11, Tio 7, Nieto Ma. 6, Asistio 6, Belangel 6, Go 3, Nieto Mi. 0, Mamuyac 0, Mendoza 0, Andrade 0, Black 0, Wong 0, Daves 0, Navarro 0.

UP (81) – Gomez de Liaño Ju. 24, Akhuetie 19, Desiderio 15, Gomez de Liaño Ja. 11, Dario 8, Lim 2, Vito 2, Manzo 0, Jab-oneta 0, Murrell 0, Spencer 0, Prado 0, Española 0, Longa 0.

QS: 25-13, 48-37, 70-56, 99-81

Comments are closed.