ATING PASIGLAHIN ANG KULTURA NG PAGBABASA

Kamakailan ay may nakausap akong nagwika na mas marami na ngayon ang kailangang pumili kung pagkain o libro ang kanilang bibilhin, dahil sa hirap ng buhay na nararanasan ng marami. Kung dati ay mas madaling bumili ng mga aklat, ngayon ang iba ay nagtitipid muna at isa sa mga gastusing isinasantabi ay ang badyet para sa mga babasahin.

Kaya naman ikinatutuwa natin ang mga pagsisikap upang patuloy na buhayin ang larangan ng paglilimbag ng mga aklat at patuloy na pagpapayaman sa kultura ng pagbabasa sa bansa. Marami pa ring nagaganap na mga aktibidad sa larangang ito, at saludo tayo sa mga manunulat, publisher, at iba pang mga sumusuporta sa mga ganitong gawain.

Halimbawa, bukas, ika-19 ng Nobyembre ay magaganap ang isang lecture na pinamagatang “The Future of Libraries” sa Instituto Cervantes sa Intramuros. Magbibigay ng lecture si Carme Fenoll ng Universidad Politecnica de Cataluña sa ganap na alas-10 n.u. Susundan ito ng isang roundtable discussion sa ala-una kabilang ang mga kinatawan ng National Library, Ortigas Foundation, UST Library, at Alliance Francaise Library.

Samantala, nasa bansa na ang Japanese bookstore chain na Kinokuniya. Mayroon itong partnership kasama ang Fully Booked, isang local bookstore. Kabubukas lamang ng Japanese mall na Mitsukoshi sa BGC at mayroon ngang espasyo rito ang Fully Booked/Kinokuniya.

Sa ika-26 ng Nobyembre ay maglulunsad ng aklat si Czyka Tumaliuan sa Kwago Bookstore, isang specialty bookstore, sa Curious Coffee BF Homes. Magsisimula ang programa sa ganap na alas-3 n.h. Ang aklat pambata na ilulunsad, “Sala sa Init, Sala sa Lamig” ay mayroong mga guhit ni Amir Abou Roumié, isang ilustrador na taga-Vienna, Austria. Libre sa lahat ang event na ito at mayroon pang storytelling at libreng illustration workshop para sa mga bata.