ATRASADONG PAGBABAYAD NG PHILHEALTH SA MGA OSPITAL NAKAAAPEKTO SA LABAN KONTRA COVID-19

JOE_S_TAKE

SA TULUYANG pagpasok ng Delta variant sa bansa at mabilis na pagtaas ng mga positibong kaso ng COVID-19 kada araw, nagdesisyon ang pamahalaan na muling isailalim ang ilang bahagi ng bansa sa mahigpit na lockdown. Ang ilan ay isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) kabilang na ang Metro Manila, habang ang ilang bahagi naman ay isinailalim sa Modified ECQ (MECQ).

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi mapipigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa kabila ng pagpapatupad ng ECQ. Ang lockdown ay ipinatupad upang mabigyan lamang ng karagdagang panahon ang pamahalaan na paghandaan ang

mas nakahahawang Delta variant. Sa kasalukuyan, nasa higit 1.7 milyon na ang kabuuang bilang ng kaso rito. Sa antas ng mga nabakunahang indibidwal na higit 10% pa lamang ng populasyon, hindi na kagulat-gulat kung talagang mabilis na kakalat ang Delta variant sa bansa.

Sa kritikal na panahong ito ay lubhang mahalaga na masiguro na mananatiling matatag at handa ang ating healthcare system. Wala pang dalawang linggo mula nang ipatupad ang ECQ ay may mga pribadong ospital na sa Metro Manila ang nagdeklara ng full capacity. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang mga indibidwal na may Delta variant ay madalas nangangailangan ng serbisyong medikal mula sa ospital. Kaugnay nito, mahalaga ring masiguro na ang lahat ng mamamayan, anuman ang estado sa buhay, ay may access sa serbisyong medikal lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Noong Abril 2020, ipinahayag ng DOH na ang bawat Pilipino ay may coverage mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa bisa ng Universal Health Care Law. Nagpalabas pa ito ng iba’t ibang mga benefit package na nasa halagang mula P43,997 hanggang P786,384 depende sa kalubhaan ng pagkakasakit. Sa kasamaang palad, tila nahihirapang makapagbayad ang Philhealth sa mga ospital na miyembro nito, na siyang kasalukuyang suliranin ng ilang mga ospital sa bansa.

Kamakailan ay ipinahayag ng Philippine Hospital Association (PHA) na malaki na ang halagang hindi nababayaran ng Philhealth sa kanila mula nang magsimula ang pandemya noong Marso 2020. Ayon kay PHA President Dr. Jaime Almora, batay sa datos nila noong ika-5 ng Hulyo, umaabot na sa daan-daang milyon hanggang isang bilyon ang hindi nabayaran ng Philhealth sa ilang ospital. Ang kabuuang halaga ay tinatayang nasa P20 bilyon na at patuloy pa itong lumalaki.

Sa kabilang dako, ipinahayag naman ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) President Dr. Jose Rene De Grano sa isang panayam na ang hindi pagbabayad ng Philhealth ng kanilang mga claim sa tamang oras ay nakaaapekto na sa pagpapasweldo sa mga healthcare worker at sa kanilang badyet sa pagbili ng mga supply para sa mga ospital. Karaniwang mga moderate, severe, at critical na  kaso ng COVID-19 ang ginagamot ng mga pribadong ospital. Hindi bababa sa P143,267 kada pasyente ang coverage ng Philhealth sa mga ito. Hindi kinakailangang maging magaling sa Math para mapagtanto kung gaano kabilis lumobo ang claim ng mga ospital. Kung 10 kaso ng moderate na COVID-19 ang tatanggapin nito sa isang linggo, ang kabuuang claim ay papalo agad sa P1.4 milyon. Samakatuwid, ang hindi pagbabayad ng Philhealth ng claim ng mga ospital ay nakaaapekto hindi lamang sa kanilang pagbibigay ng serbisyo kundi pati na rin sa pagbibigay ng sweldo sa mga healthcare worker.

Ang mga paratang ng korupsiyon ay hindi na bago sa Philhealth. Sa katunayan, nagdaan na ito sa ilang imbestigasyon noong mga nakaraang taon. Bilang tugon, mismong si Pangulong Duterte ang nagpautos na ayusin at baguhin ang pamunuan ng nasabing ahensiya noong 2020. Paliwanag ng Philhealth, ang mabagal na pagproseso ng mga claim ng ospital ay resulta ng kakulangan nila sa mga tao dahil ang ilang empleyado nito ay naapektuhan na rin ng virus. Sa bigat ng kanilang ginagampanang papel sa laban ng bansa kontra COVID-19, hindi katanggap-tanggap na tila wala itong business continuity plan upang masiguro na hindi maaapektuhan ng pandemya ang kanilang operasyon. Ang laban ng bansa kontra COVID-19 ang pinag-uusapan dito kaya  dapat gampanan ng Philhealth nang maayos ang kanilang responsibilidad.

Sa ating muling pagharap sa panibagong hamon ng pandemyang COVID-19, mahalagang masiguro na ang mga serbisyo at panggagamot na ginagawa ng mga ospital ay nababayaran sa tamang oras. Kung ang pinansiyal na kalagayan ng mga ospital ay manganganib dahil sa hindi nito natatanggap ang mga claim mula sa Philhealth, manganganib ding bumagsak ang healthcare system ng bansa.

Ang serbisyong medikal ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya. Kung wala nito, ang populasyon ay walang laban kontra COVID-19 at iba pang mga sakit na maaaring pumasok sa bansa. Tiyak na babagsak din ang ating ekonomiya. Araw-araw ay isinusugal ng mga healthcare worker ang kanilang buhay upang mapanatili tayong ligtas at malusog laban sa COVID-19. Mahalagang alagaan din natin sila.

140 thoughts on “ATRASADONG PAGBABAYAD NG PHILHEALTH SA MGA OSPITAL NAKAAAPEKTO SA LABAN KONTRA COVID-19”

  1. 346260 754971An intriguing discussion will probably be worth comment. I think that you just write much more about this topic, it might become a taboo topic but normally consumers are inadequate to communicate in on such topics. To yet another. Cheers 483049

Comments are closed.