BABALA NG DILG: MALLS NA WALANG SOCIAL DISTANCING IPASASARA

DILG

NAGBABALA si Interior Secretary Eduardo Año na sususpendihin ang business permit ng mga mall na mabibigong magpatupad ng social distancing sa harap ng pagdagsa ng mga mamimili ngayong Kapaskuhan.

“May mga report kasi na sa mall mismo wala nang physical distancing,” sabi ni Año sa CNN Philippines’ “News.PH”.

“Well, hindi kami magdadalawang-isip kung isususpindi natin ‘yung business permit ng mall na ‘yan kung hindi niya kayang ipatupad ‘yung minimum health standards.”

Ayon kay Año, na siya ring vice chairman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, magsasagawa ng inspeksiyon ang mga awtoridad sa mga mall at iba pang commercial establishments sa mga susunod na araw para alamin kung sumusunod ang mga ito sa social distancing.

Bukod sa Joint Task Force COVID Shield ng pulisya, mag-iinspeksiyon din ang Department of the Interior and Local Government (DILG), gayundin ang Department of Trade and Industry (DTI).

“Magdadagdag pa tayo ng mga unipormadong police, pati ‘yung mga yantok patrols natin lalabas ‘yan especially sa mga tianggian, sa mga malls, sa supermarkets, sa palengke, diyan sa Divisoria,” ani Año.

Comments are closed.