NAGBABALA ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government unit na huwag magbayad o mag-bigay ng pera bilang “permit to campaign fee” sa mga rebeldeng New People’s Army sa darating na halalan.
Kapag sinunod ng mga kandidato ang kahilingan ng NPA ay nangangahulugan na sinusuportahan nila ang terorismo.
Ayon kay DILG Spokesperson Assistant Secretary Jonathan Malaya, ang babala ay para sa lahat ng mga governor, mayor, lalo na sa mga kandidato kaugnay sa pagbibigay ng pinansiyal, material, at political support sa mga NPA ay bunsod sa napaulat na sinusuportahan nila ang naturang komunistang grupo.
Una nang naglabas ng Memorandum Circular 2018-211 si DILG Secretary Eduardo Año na nagpaalala sa lahat ng local chief executives at LGU officials na ang pagbibigay ng suporta sa mga NPA ay paglabag hindi lamang sa Executive Order 733 kundi sa RA 10168.
Nagpaalala ang kalihim na huwag magpaloko at magbayad ng ‘permit to campaign’ o kaya ‘permit to win’ sa mga komunistang grupo na itinuturing ng gobyerno na mga terorista.
Sinabi nitong matagal nang modus operandi ng mga rebelde ang mga permit na ito kung saan humihingi sila ng pera sa mga kandidato kapalit ng umano’y malayang pangangampanya o ang hindi paggawa ng karahasan ng kanilang hanay sa hurisdiksiyon ng kandidato o politico. VERLIN RUIZ
Comments are closed.