BASURA NG KOREA IBABALIK

basura

NAKATAKDANG  ibalik sa South Korea sa darating na Enero 9  ang mga basurang itinambak sa Misamis Oriental ng Verde Soko Philippines Industrial Corporation.

Tiniyak ni  Mindanao International Container Terminal Collector John Simon na nasa P11-milyon ang magagastos ng South Korean government para maalis ang libo-libong tonelada ng basura na nakaabot na sa bayan ng Tagoloan sa Misamis.

Naghanap na rin ng shipping lines na magkakarga sa 51 container vans ng mga basura.

Magugunitang ipinatawag ng South Korean officials, kasama ang ibang ahensiya ng gobyerno ang ilang opisyal ng Verde Soko para mapabilis ang pagpapabalik ng mga basura sa South Korea.

Ayon kay Provincial Board Member Gerardo Sabal, humingi ng tawad ang  mga opisyal ng South Korea matapos makita ang  laman ng sinasabing mga basura.

Sinabi pa ni Sabal na nakita   mismo ng mga opisyal na ang  sinabi ng Verde Soko na plastic flakes ay mga waste materials  na  mapanganib.

“Sabi nila they are very embarrassed at they are very sorry,” dagdag ni Sabal.

Nakalabas  na sa mga container ang mga basura  at kailangan pang i-repack bago i-ship pabalik sa South Korea.

Una nang kinuwestiyon ng Bureau of  Customs kung bakit nakalabas sa MICT ang basura mula South Korea noong Hulyo kahit na misdeclared ito. NENET V

Comments are closed.