BEERMEN DIDIKIT SA KORONA

Laro bukas:
(Araneta Coliseum)
Game 4, best-of-7 finals
6 p.m.- TNT vs SMB

SISIKAPIN ng San Miguel Beer na makopo ang ikatlong sunod na panalo at lumapit sa korona kontra defending champion Talk ‘N Text sa Game 4 ng kanilang best-of-7 title series sa PBA Philippine Cup ngayon sa Araneta Coliseum.

Nakatakda ang laro sa alas-6 ng gabi.

Tangan ang 2-1 lead, nasa Beermen ang momentum at tiyak na gagamitin ito ni coach Leo Austria upang muling talunin ang Tropang Giga.

“We will exploit the advantage to full use to win the game. We’ll not give them elbow room to get back and tie the series. TNT is determined to bounce back and we are prepare for that,” sabi ni Austria, target ang ika-11 PBA title.

Tough defense ang naging susi sa overtime win ng SMB sa Game 3 kung saan pinagtulungan nina Marcio Lassiter at Chris Ross si TNT ace gunner Mikey Williams at nalimitahan nina CJ Perez at Simon Enciso ang output ni Roger Pogoy, habang si Jericho Cruz ay na-neutralize si Jayson Castro.

Kinuha ni Ross ang responsibilidad na bantayan si Williams matapos ma-foul out si Lassiter at hindi pinaiskor ang 6’2, 30-year-old TNT top gunner sa overtime. Ganito rin ang ginawa ni Enciso nang ma-foul out si Perez.

Bukod sa depensa, tutulungan nina Lassiter, Perez, Ross, Cruz at Enciso sina big men June Mar Fajardo at Moala Tautuaa sa scoring job.

Si Fajardo ang main clog ng SMB kapwa sa opensa at depensa. Uma-average si Fajardo ng double-double kada laro.

Sa kabila na natalo ng dalawang sunod matapos na manalo sa Game 1, hindi nawawalan ng pag-asa ang Tropang Giga at nangakong babawian ang Beermen para itabla ang serye 2-all.

Kailangang maglaro nang husto sina Williams, Pogoy at Castro at bantayan nina John Paul Erram at Kelly Williams si Fajardo sa shaded lane.

CLYDE MARIANO