Laro ngayon:
(Ynares Center Antipolo)
7:30 p.m. – San Miguel vs Converge
HINDI pa tapos ang laban para sa San Miguel.
May isang laro pa na lalaruin kontra Converge FiberXers at kumpiyansa pa rin ang Beermen sa kanilang tsansa sa kabila ng dalawang sunod na kabiguan sa kanilang PBA Governors’ Cup quarterfinals series.
“Ang maganda dun may isang game pa,” pahayag ni star wingman CJ Perez. “Kailangan naming mag-regroup, kailangan naming mag-prepare.”
Ang do-or-die game ay nakatakda ngayong Linggo sa Ynares Center sa Antipolo sa laro na hindi maubos maisip bago ang simula ng best-of-five series.
Subalit nagawa itong posible ng FiberXers sa back-to-back wins sa Game 3 kung saan humabol sila mula sa 27-point deficit, at Game 4 kung saan nalamangan nila ang Beermen ng hanggang 17 points.
Ngayon ay nasa bingit ang Converge ng kanilang kauna-unahang semifinals appearance sa franchise history.
Aminado si Perez na nahirapan ang Beermen habang ang FiberXers ay nananalasa.
“Mahirap siyempre naka-momentum dim sila (FiberXers) and hindi rin naman basta-basta ‘yung Converge,” sabi ng Best Player of the Conference sa Commissioner’s Cup noong nakaraang taon.
Si Perez ay nasa foul trouble sa malaking bahagi ng second half ng Game 4 at tumapos na may 11 points, subalit hindi nakaiskor sa huling dalawang quarters.
Sa kabila nito, naniniwala pa rin ang dating NCAA MVP mula sa Lyceum na ang kapalaran ng San Miguel ay nasa kanila pa ring mga kamay.
“Naka-depende pa rin sa amin. Kilala naman natin ‘yung San Miguel kung paano maglaro,” ani Perez.
Ang mananalo sa sudden-death game ay makakaharap ng Barangay Ginebra sa best-of-seven semifinals.
CLYDE MARIANO