Laro sa Linggo:
(Araneta Coliseum)
Game 7, best-of-seven finals
6 p.m. – San Miguel vs TNT
HINDI pa tapos ang laban.
Naipuwersa ng San Miguel Beer ang Game 7 sa 2022 PBA Philippine Cup finals makaraang pataubin ang TNT Tropang Giga, 114-96, kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pinangunahan nina Marcio Lassiter at Simon Enciso ang three-point barrage ng Beermen upang mapigilan ang Tropang Giga na maiuwi ang back-to-back crowns.
Humataw sina Lassiter at Enciso ng tig-6 na tres mula sa kabuuang 16 triples ng Beermen tungo sa 18-point romp na nagtabla sa best-of-seven title series sa 3-3.
Mainit mula sa simula, naitala ni Lassiter ang 12 sa kanyang game-high 22 points sa first quarter na natapos na abante ang San Miguel sa 40-24.
Naiposte naman ni Enciso ang 17 sa kanyang 20 points sa second period at tinulungan ang kanyang koponan na lumamang ng hanggang 26 points sa first half.
Tinapyas ng Tropang Giga ang kanilang deficit sa kalahati sa halftime, 50-63, at tatlong beses na lumapit sa 9 points sa third quarter subalit iyon na lamang ang pinakamaganda nilang nagawa, kung saan ininda ng defending champions ang pagliban ni injured star Jayson Castro.
Pinangunahan nina June Mar Fajardo at Jericho Cruz ang opensiba ng Beermen sa third canto kung saan pinalobo nila ang kalamangan sa 24 points papasok sa final salvo, kung saan lumobo ito sa hanggang 30 points.
Sinuportahan ni CJ Perez sina Lassiter at Enciso na may 20 points, 4 rebounds, at 3 assists, habang nagtala si Fajardo ng double-double na 10 points, 12 rebounds, at 5 assists kung saan bumawi siya mula sa scoreless opening quarter.
Nagbuhos si TNT star Roger Pogoy ng 31 points.
CLYDE MARIANO
Iskor:
San Miguel (114) – Lassiter 22, Perez 20, Enciso 20, Tautuaa 15, Cruz 11, Fajardo 10, Brondial 6, Manuel 5, Ross 3, Pessumal 2, Canete 0, Herndon 0, Zamar 0, Faundo 0.
TNT (96) – Pogoy 31, Tungcab 12, Rosario 10, Montalbo 8, K. Williams 8, Marcelo 5, Banal 3, Cruz 3, M. Williams 2, Ganuelas-Rosser 0, Reyes 0.
Quarters: 40-24, 63-50, 92-68, 114-96