BIDA ANG AGRIKULTURA PARA SA TESDA IDOL NG CORDILLERA

TESDA

NAGSIMULANG magtrabaho si Bb. Jaya Marsan noong taong 2016 noong siya’y tumigil sa pag-aaral sa kolehiyo. Sa taong 2020, isa siya sa mga hinirang na Idols ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ang Idols ng TESDA, o “TESDA Idols” kung tawagin ay isang pagpupugay sa mga nagtapos sa mga kurso at pagsasanay (Technical Vocational Education and Training (TVET)) sa ilalim ng ahensiya at ngayon ay mayroon nang maunlad na pamumuhay at nakatutulong pa sa kanilang komunidad.

Jaya Marsan_1Kinalakhan ni Jaya ang organic farming kaya naman naisipan niyang pasukin ang sektor ng agrikultura. Nagsanay sya sa Organic Agriculture Production NC II at Agricultural Crop Production NC II at ngayon ay isa ng farmer-trainer sa kanilang farm school sa La Trinidad, Benguet – ang Cosmic Farm.Ph.

Kumukuha noon ng kursong BS in Agriculture si Jaya, at kung mabibigyan ng pagkakataon, kanya raw itong tatapusin para makaipon pa ng karagdagang kaalaman.

Sa kasalukuyan, tumutulong si Jaya sa kanyang komunidad, kasama ang kanilang farm school sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng konsultasyon patungkol sa organic farming. Dahil malapit din ang farm school sa mga eskwelahan, paminsan ay naaatasan din si Jaya na magturo ng naturang aralin sa mga estudyante. Sa pamamagitan nito, natutulungan din ni Jaya at ng Cosmic Farm.Ph ang mga estudyante na mag-organisa ng kanilang mga komunidad para itaguyod at palaguin hindi lamang ang organic farming, ngunit pati na rin ang pag-aalaga sa kalikasan.

Jaya Marsan_2.jpg

Mensahe ni Jaya sa mga kabataan, ‘“Wag po kayong matakot na kumuha ng agricultural courses, kasi marami po ang pwedeng maging trabaho sa agrikultura: [maaaring maging] farmer-entrepreneur, agronomist, plant pathologist, entomologists, animal scientist, extension worker, horticulturist, researcher, trainer, teacher at marami pa pong iba. ‘Wag na ‘wag pong matakot na maging agriculturist, kasi kung tayo ang mawawala, wala nang kakainin ang mga tao.”

Comments are closed.