BINATUKAN,PUMATAY NG ROOMATES

Saksak

BULACAN – ISANG 24-anyos na lalaki ang dinakip at nahaharap sa kasong murder makaraang pagsasaksakin nito ang kanyang kasama sa bahay matapos mapikon nang batukan habang kumakain sa Barangay Abangan Norte , Marilao.

Kinilala ni P/Lt.Col. Amado Mendoza Jr, Marilao police chief, ang naarestong suspek na si Nelson Manlapaz,24-anyos, at residente sa Brgy. Abangan Norte na nakapiit at nahaharap ngayon sa kasong murder matapos saksakin ang kasama sa bahay na nakilala sa pangalang Alvin, residente din sa lugar.

Nabatid na bandang alas-11:45 ng gabi kamakalawa  nang  maganap ang insidente matapos manggaling sa inuman ang suspek at lima pang kasama sa bahay kabilang ang biktimang si Alvin kungsaan naghanda ang mga ito ng hapunan.

Habang kumakain ang suspek na si Manlapaz ay tatlong beses itong binatukan ng biktima sa hindi malamag dahilan bago pumanhik sa ikalawang palapag ang biktima at pumasok sa kanyang kuwarto kung saan sinundan ito ng suspek saka paulit-ulit na pinagsasaksak na ikinasawi nito.

Nakorner naman ng iba pang kasama sa bahay ang duguang suspek  kaya kanila itong pinigilang makatakas hanggang sa dumating ang awtoridad at arestuhin ito at nakakulong na ngayon. MARIVIC RAGUDOS