NAGPASABOG si Damian Lillard ng 33 points at 8 assists upang pangunahan ang Portland Trail Blazers sa 115-109 panalo laban sa bisitang Miami Heat noong Linggo ng gabi.
Nag-ambag si Gary Trent Jr. ng 22 points at 4 steals mula sa bench, at naitala ni Trevor Ariza ang 19 sa kanyang 21 points sa first half para sa Trail Blazers na nanalo sa ika-7 pagkakataon sa huling 10 laro.
Umiskor si Carmelo Anthony ng 15 points, nagdagdag si CJ McCollum ng 13 at gumawa si Hassan Whiteside ng 11 points, 17 rebounds at 4 blocked shots.
Tumipa si Goran Dragic ng 27 points at 7 assists mula sa bench para sa Heat, na nalasap ang season-worst third straight game loss.
Kumamada si Duncan Robinson ng 19 points, nakalikom si Jae Crowder ng 18 points at 11 rebounds sa kanyang team debut, nagdagdag si Bam Adebayo ng 13 points, 12 rebounds at 7 assists, at gumawa si Derrick Jones Jr. ng 11 points.
CLIPPERS 133, CAVALIERS 92
Tumirada si Lou Williams ng 25 points at kumabig si Paul George ng 22 nang magaan na dispatsahin ng Los Angeles Clippers ang Cleveland Cavaliers.
Tumapos si Marcus Morris Sr. na may 10 points sa kanyang Clippers debut nang bumawi ang Los Angeles sa 27-point defeat sa Minnesota Timberwolves noong Sabado.
Nagwagi ang Clippers na wala si Kawhi Leonard, na nagpahinga sa ikalawang gabi ng back-to-back scenario.
Umiskor si Andre Drummond ng 19 points at kumalawit ng 14 rebounds sa kanyang Cavaliers debut, habang nagdagdga si Kevin Porter Jr. ng 17 points para sa Cleveland na napalawig ang losing streak sa anim na laro.
JAZZ 114,
ROCKETS 113
Naipasok ni Bojan Bogdanovic ang isang 3-pointer sa buzzer upang ihatid ang Utah Jazz sa panalo laban sa host Houston Rockets.
Si Bogdanovic ay may dalawang field goals lamang at walong puntos, mas mababa ng 13 sa kanyang season average. Subalit matagumpay na isinagawa ng Utah ang final inbound play kung saan naisalpak ni Bogdanovic ang isang 28-footer laban kina James Harden at P.J. Tucker.
Kinuha ng Jazz ang 103-100 kalamangan sa 3-pointer ni Bogdanovic, may 4:18 ang nalalabi at pinalobo ang kalamangan sa 107-100, ang kanilang pinakamalaki sa gabi, sa jumper ni Donovan Mitchell jumper sa lane.
Nanguna si Jordan Clarkson para sa Jazz na may 30 points mula sa bench, habang nagdagdag si Mitchell ng 24 points at 6 assists. Tumipa si Rudy Gobert ng 12 points at 15 rebounds.