HATAW si Joel Embiid – isa sa mga nangunguna para sa Most Valuable Player award ng regular season ng NBA – sa 103-101 panalo sa Philadelphia na nagpalamig sa pag-asa ng second-placed Boston na makopo ang top-seeding sa East.
Kailangan ngayong ipanalo ng Celtics ang lahat ng kanilang tatlong nalalabing regular season games at umasang matalo ang Milwaukee sa kanilang huling tatlong laro upang kunin ang unang puwesto at ang all-important home advantage sa playoffs.
Tumapos si Embiid na may 52 points mula sa 20-of-25 shooting habang kumalawit ng 13 rebounds at nagbigay ng 6 assists. Nagdagdag si James Harden ng 20 points.
Si P.J. Tucker ang isa pang Sixers player sa double figures, kung saan karamihan sa kanyang 11 points ay nagmula sa three-pointers sa huling bahagi ng fourth quarter.
Gayunman ay kinabahan ang third-placed Sixers nang muntik nang mabitiwan ang 103-96 lead, may 10segundo ang nalalabi, kung saan nakalapit ang Boston sa dalawang puntos.
Nagmintis si Celtics star Jayson Tatum sa late two-point effort sa buzzer na nagpuwersa sana sa overtime.
Hindi natuwa si Embiid sa pangangatal ng Sixers sa huling sandali na muntik nilang ikatalo.
“I don’t know what we were doing,” ani Embiid. “We’ve got to be better than that, me included. We’ve just got to be better.
“Offensively we were not good enough and defensively we got stops when we needed them. But we’ve got to be better than that – we might see them down the road.”
Sinabi ni Sixers coach Doc Rivers na sa ipinakita ni Embiid ay dapat nang matapos ang anumang pagtatalo sa kung sino ang dapat na maging MVP ngayong season
“There were so many things we did wrong tonight — but what we did right was Joel Embiid,” ani Rivers.
“The man just scored half our points in an NBA game. I’m biased, but the MVP race is over.”
Sa iba pang laro, nagtala si Giannis Antetokounmpo ng triple double nang lumapit ang Milwaukee sa pagselyo ng top spot sa East sa 140-128 panalo kontra Washington Wizards.
Nagbuhos si Antetokounmpo ng 28 points, 11 rebounds at 10 assists upang ilapit pa ang Bucks sa unang puwesto.
Kailangan na lamang ng Bucks na manalo ng isa sa kanilang huling tatlong laro para magarantiya ang No.1 seeding.
Muling sumandal ang Bucks sa balanced offense kung saan anim na players nito ang tumapos sa double figures.
Kumamada si Jrue Holiday ng 26 points, tumipa si Brook Lopez ng 20 points habang nagdagdag sina Bobby Portis at Jae Crowder ng tig-19 points.
Kumubra si Joe Ingles ng 12 mula sa bench -– pawang mula sa three-point range.
Subalit habang ang Bucks ay namumuro na sa pagkopo ng first place sa East, nasayang ng Denver Nuggets ang pagkakataon na selyuhan ang top spot sa Western Conference nang malasap ang shock 124-103 defeat sa road sa Houston Rockets, na nasa ilalim ng West na may 19-60 record.
Binuhat ng 32 points ni Jalen Green ang Houston sa panalo habang nalimitahan si Denver star Nikola Jokic –- ang reigning two-time MVP –- sa 14 points lamang.