BUCKS PINAPAK ANG NUGGETS

KUMANA si Giannis Antetokounmpo ng 36 points at napantayan ang kanyang season high na may 18 rebounds upang tulungan ang Milwaukee Bucks na maitakas ang  112-95 panalo kontra bisitang Denver Nuggets noong Lunes.

Umiskor si Damian Lillard ng 18 points, nakakolekta si Bobby Portis Jr. ng 13 at nagdagdag sina AJ Green, Malik Beasley at Brook Lopez ng tig-9 para sa Milwaukee, na umabante ng hanggang 28 points at umangat sa 3-5 magmula nang umupo si Doc Rivers bilang   head coach.

Isang laro makaraang payagan ang season-low 84 points sa panalo laban sa bisitang Charlotte Hornets noong Biyernes, nalimitahan ng Bucks ang Denver sa 38.3 percent shooting at 11-of-40 success (27.5 percent) mula sa 3-point range.

Nagdagdag si Antetokounmpo ng 3 steals at 2  blocks sa loob ng 30 minuto para sa Milwaukee, na nalimitahan ang mga katunggali ng mas mababa sa 100 points sa back-to-back games sa unang pagkakataon magmula noong  Nob. 22-24, 2021.

Nanguna si Nikola Jokic para sa Denver  na may 29 points, 12 rebounds at 8 assists. Gumawa si Aaron Gordon ng  14 points, at nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 11.

Warriors 129, Jazz 107

Nagbuhos si Klay Thompson ng 26 points upang pangunahan ang Golden State Warriors sa  panalo kontra Utah Jazz  sa Salt Lake City.

Nagdagdag si Stephen Curry ng 25 points, kabilang ang limang 3-pointers sa huling walong minuto. Nagbigay rin siya ng 10 assists at kumalawit ng 6 rebounds sa panalo.

Nag-ambag si Andrew Wiggins ng 17 points, nagsalansan si Draymond Green ng 12 points, 9 rebounds at 8 assists at walong players ng Warriors ang umiskor ng double figures bilang bahagi ng solid road performance.

Gumawa sina Collin Sexton at Jordan Clarkson ng tig- 22 points, subalit naghabol ang Utah ng double digits sa malaking bahagi ng second half.

Nagdagdag si Lauri Markkanen ng 19 points para sa Jazz, na hindi naglaro magmula noong Huwebes.

Isinalpak ng Golden State ang 20 sa 44 3-pointers laban sa 11-for-32 shooting ng Utah mula sa labas.

Bulls 136, Hawks126

Kumana si Ayo Dosunmu ng career-high 29 points at isinalpak ang krusyal na 3-pointer na bahagi ng fourth-quarter run na naging tuntungan ng bisitang Chicago Bulls upang pataubin ang Atlanta Hawks.

Ibinuslo ni Dosunmu ang tres, may 4:13 ang nalalabi, upang sindihan ang 9-0 burst na nagbukas sa 10-point lead, 121-111. Si Dosunmu ay 12-for-18 mula sa field at  5-for-7 sa 3-pointers, at nagbigay rin ng 7  assists.

Umiskor din si Chicago’s DeMar DeRozan ng 29 points. Nagtala si Nikola Vucevic ng 24 points at 11 rebounds, at nagdagdag si Coby White ng 20 points.

Ang ninth-place Bulls ay nagwagi sa parehong laro kontra Hawks ngayong season, na nagbigay sa kanila ng   head-to-head playoff tiebreaker, at.  binuksan ang two-game lead laban sa 10th-place Atlanta sa Eastern Conference.

Nanguna para sa Atlanta sina Bogdan Bogdanovic na may 28 points, kabilang ang anim na  3-pointers, at  De’Andre Hunter na may 23 points. Tumipa si Trae Young ng 19 points at nagbigay ng  14 assists subalit bumuslo lamang ng  3-for-14 mula sa field, 2-for-10 sa treys, at tinawagan ng dalawang technical fouls.