BUCKS SA EAST FINALS (Isa na lang sa Warriors)

BUCKS

KUMAMADA si Giannis Antetokounmpo ng 20 points, 8 rebounds at 8 assists upang pangunahan ang Bucks sa 116-91 pagdispatsa sa Celtics noong Miyerkoles ng gabi at umabante sa Eastern Conference Finals.

Makaraang walisin ang Detroit sa first round, nagkumahog ang top-seeded Milwaukee sa Game 1 laban sa Boston at nalasap ang 90-112 pagkatalo sa isa sa pinakamasamang offensive performances nito sa season. Subalit sa pangunguna ni Antetokounmpo ay rumesbak ang Bucks ng apat na sunod na panalo na may combined 65 points.

“I think our mindset changed,” wika ni Antetokounmpo. “In the first game, we weren’t focused enough. We weren’t ourselves. The next four games, we came out with a different approach, a different mindset.”

Gumamit ang Bucks ng balanced attack upang tapusin ang Celtics sa Game 5, kung saan pitong players nito ang nagtala ng double figures. Tumipa si Khris Middleton ng 19 points at 8 rebounds, at tumapos si Eric Bledsoe na may 18 points.

“We didn’t mess around with the game,” ani Antetokounmpo.  “We did our job. We defended. We moved the ball.”

Makakalaban ng Bucks ang magwawagi sa Philadelphia-Toronto series. Angat ang Raptors sa 3-2 papasok sa Game 6 sa Huwebes ng gabi.

Ito ang unang Eastern Conference final para sa Milwaukee magmula noong  2001.

Samantala, umiskor si Klay Thompson ng 27 points, kabilang ang krusyal na layup, may 4.1 segundo ang nalalabi, at nalusutan ng Golden State Warriors ang calf injury ni Kevin Durant upang gapiin ang Houston Rockets, 104-99, noong Miyerkoles ng gabi para sa 3-2 lead sa Western Conference semifinals.

Na-strain ni Durant ang kanyang right calf sa third quarter. Ang two-time reigning NBA Finals MVP ay iika-ikang nagtungo sa locker room makaraang bumagsak kasunod ng isang baseline jumper. Tumapos siya na may 22 points, 5  rebounds at 4 assists.

Gumawa si James Harden ng 31 points para sa  Rockets, na sisikaping makaiwas sa elimination pagbalik sa home sa Houston sa Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).