(Bukod sa 14th month, cash gift) BONUS PA SA GOV’T WORKERS

Secretary Benjamin Diokno-2

MAGANDANG balita sa mga kawani ng pamahalaan.

Bukod sa 13th month pay, year-end bonus at cash gift ay makatatanggap ang mga ito ng isa pang bonus simula sa Disyembre 15.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno, ipamamahagi simula Disyembre 15 ang one-time cash be­nefit alinsunod sa collective negotiation agreement (CNA).

Ang CNA incentive ay ipinagkakaloob sa management at maging sa rank and file employees ng mga ahensiya na nakamit ang kanilang performance targets habang nakatulong sa pagtitipid o pagkakaroon ng savings  sa pamamagitan ng cost-cutting measures at  systems improvement.

Batay sa Budget Circular No. 2018-5, maaaring makatanggap ng CNA incentive ang mga empleyado na regular, kontraktuwal o casual na maaaring full-time o part-time sa national government agencies, kabilang ang state universities and colleges, local government units, at iba pa.

Nilinaw naman ni Diokno na nakadepende ang halaga ng CNA incentive sa mga kondisyon na nakalagay sa DBM budget circular at sa pondo.

Nabatid na ang CNA ay isang one-time benefit na hindi lalagpas ng P25,000.

Matatandaan na ngayong buwan lamang ay sinimulan na ng DBM ang pamamahagi ng 13th month pay at cash gifts sa lahat ng kawani ng gob­yerno. VERLIN RUIZ

Comments are closed.