CARLA ABELLANA NA-BULLY SA ELECTION

NATATAWA si Carla Abellana na na-thumbs down siya ng mga supporters ng kalaban ng iniindorso niyang presidential candidate isang araw bago ang election.

Aniya, balewala naman ito sa kanya pero natawa umano siyang masyadong seryoso ang lahat gayong isang araw lamang naman ang eleksyon, at kung sino man ang manalo ay wala tayong magagawa dahil ito ang pinili ng nakararami.

Ngayong tapos na ang eleksyon, umaasa si Carla na babalik na sa normal ang lahat at kalilimutan na ng mga tao kung anuman ang naging alitan nilang may kinalaman sa mga kandidato.

KC CONCEPCION ON THE WAY TO RECOVERY

Nagpapagaling na ang actress/jewelry designer na si KC Concepcion sa New York City matapos muntik nang malumpo dahil sa CO­VID-19.

Kung hindi umano sa maagap na gamutan ay baka tuluyan na nga siyang hindi makalakad. Sob­rang takot daw niya noong ginagamot siya. Ni hindi umano siya makainom ng gamot na mag-isa.

Pero sa nga­yon, nagpapahinga siya sa ospital, at marahil, ilang araw lamang ay makakalabas na siya. Umaasa si KC na mabilis na ang kanyang paggaling upang makabalik na siya sa trabaho. May tatlong araw pa umano siya ng shooting days para sa Asian Persuasion at kailangan niya ang negative swab test at 10 araw na pahinga bago siya makapagtrabaho uli.

Hindi naman nakalimot si KC na magpadala ng mensahe sa kanyang inang si Sharon Cuneta ngayong Mother’s Day. Post ni KC: “Mama, happy Mother’s Day! Your voice is all I needed to jumpstart my reco­very and win this battle against covid. You are the salt to my pepper, you spice up my life in ways no one else can. I loved you the moment you made me, and I will love you forever and ever. Enjoy your special day today.”

MILES OCAMPO ENJOY SA EAT BULAGA

Enjoy na enjoy ni Miles Ocampo na maging Dabarkads sa Eat Bulaga sa GMA-7. Nagpapasalamat daw siyang nabigyan siya ng opportunity, at ngayon ay napapalibutan siya ng mga taong naniniwala sa kakayahan niya.

“I really feel loved and appreciated,” saad ni Miles, kaya hindi raw niya napigilang maiyak nang i-celebrate ang kaarawan niya sa Eat Bulaga. Ito kasi ang unang pagkakataong nabigyan siya ng birthday prod and birthday celebration sa TV sa 18 years niya sa industry.

Masayang  masaya rin daw si Miles na katrabaho na niya ngayon sina Vic Sotto at Joey de Leon, na never niyang naisip na makasama niya.