IPAGPAPATULOY ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pamamahagi ng financial aid sa ilang nasa informal sektor na nawalan ng trabaho.
Magugunitang nahinto ang pamimigay ng ayuda makaraang masaid ang pondo para rito.
Ngayon ay muli itong sisimulan ng ahensiya matapos nilang matanggap ang P16 bilyong pondo mula sa Bayanihan to Recover as One law o Bayanihan 2.
Ayon sa DOLE, itutuloy ang pamamahagi ng financial aid sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program, kung saan bibigyan ng emergency jobs ang mga benepisyaryo na nasa informal sektor tulad ng labandera at tricycle driver at ang makukuhang sahod ang magsisilbing ayuda para sa mga ito.
Kasama rin sa paglalaanan ng pondo ang mga informal worker at overseas Filipino worker na umuwi makaraang maapektuhan ng pandemya, gayundin ang mga nasa formal sector na una nang nag-apply para sa tulong pinansiyal pero hindi nabigyan dahil naubos ang pondo.
“Kaya lang kinapos kami noon kaya andaming mga workers na nag-apply, na-approve pero kinapos ang pondo kaya ngayon ay babawi kami, ‘yung mga na-approve na ay payout na agad,” sabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Ipadadaan din sa DOLE ang mga nawalan ng trabaho sa tourism industry, na popondohan naman ng P3 bilyon ng Department of Tourism (DOT)
Nasa 1 milyong manggagawa mula sa informal sector ang inaasahang makikinabang sa TUPAD program habang aabot naman sa 1.2 milyon mula sa formal sector at 150,000 OFWs na apektado ng pandemya ang mabibiyayaan sa programa.
Comments are closed.