CAVALIERS HUMIRIT NG GAME 7

NAGPASABOG si LeBron James ng 46 points, 11 rebounds at 9 assists upang pangunahan ang Cavaliers sa 109-99 panalo laban sa Boston Celtics sa Quicken Loans Arena sa Cleveland at itabla ang Eastern Conference finals sa 3-3.

Nakatakda ang Game 7 sa Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa Boston, kung saan ang mananalo ay makakasagupa ng Houston o Golden State sa NBA Finals.

Tangan ng Rockets ang 3-2 series lead papasok sa Game 6 ng Western Conference finals na lalaruin ngayong araw sa Oakland.

Ipinamalas ni George Hill ang kanyang pinakamagandang laro sa serye para sa Cavaliers sa kinamadang 20 points,  habang nag-ambag sina reserve Jeff Green ng 14 at Larry Nance Jr. ng 10 points.

Pinagtulungan nilang punan ang pagkawala ni forward Kevin Love, na nagtagal ng limang minuto bago inilabas matapos makabunggo si Celtics rookie Jayson Tatum. Hindi pa sigurado kung makapaglalaro si Love sa Game 7.

Nagpakawala si Terry Rozier ng anim na 3-pointers at pinangunahan ang  Boston na may 28 points habang tumirada si Jaylen Brown ng 27. Tumapos si Tatum na may 15 points subalit hindi naramdaman sa first half.

Umiskor sina reserves Marcus Morris at Marcus Smart ng tig-10 points.

Abante ang Cleveland sa mala­king bahagi ng huling 2 1/2 quarters, bagama’t matikas na nakihamok ang Celtics sa fourth quarter nang matapyas nila ang kalamangan sa pito sa mara­ming okasyon.

Subalit naisalpak ni James ang back-to-back 3-pointers sa loob ng 43 segundo upang mapalobo ang kalamangan sa 107-96.

Nadominahan din ng Cavaliers ang glass at napakinabangan ang foul line. Tumapos ang Cleveland na may 44-31 bentahe sa rebounding, kabilang ang 15-5 sa offensive boards, at nagtala ng 18-of-22 sa stripe. Nakagawa lamang ang Boston ng 11-of-20 sa line.

Naging maganda naman ang simula ng Celtics hindi tulad sa one-sided Game 3 at 4 losses sa Cleveland. Binuhat ito ni Brown na may 15 first-quarter points,  kung saan naipasok niya ang isang  pullup, may 8.3 segundo ang nalalabi na nagbigay sa Boston ng 25-20 kalamangan.

Sa second quarter ay nakagawa lamang ang Celtics ng 18 points.

Isang floater ni James, may 21.8 segundo ang nalalabi sa second quarter, ang nagbigay sa Cavaliers ng 54-43 bentahe sa half time.

Comments are closed.