NAGBUHOS si Jaylen Brown ng 25 points at nagdagdag si Jayson Tatum ng 22 points at 12 rebounds upang tulungan ang bisitang Boston Celtics na pataubin ang Miami Heat, 93-80, at lumapit sa NBA Finals nitong Miyerkoles.
Umiskor si Al Horford ng 16 points habang nagdagdag si Derrick White ng 14 para sa Celtics na nakarekober makaraang magtala lamang ng 37 points sa unang dalawang quarters at kinuha ang 3-2 lead sa Eastern Conference finals.
Babalik ang Boston sa home para sa Game 6 ng best-of-seven series sa Biyernes na may tsansang kunin ang isang puwesto sa NBA Finals sa unang pagkakataon magmula noong 2010.
Tumapos sinBam Adebayo na may 18 points at 10 rebounds at nag-ambag si Gabe Vincent ng 15 points para sa Heat, na natalo sa home sa ikalawang pagkakataon sa series makaraang kumarera sa 6-0 sa Miami sa unang dalawang rounds ng playoffs. Tumipa si Miami star Jimmy Butler ng 13 points sa 4-of-18 shooting.
Kinuha ng Heat ang 42-37 lead sa opening half. Ito ang unang pagkakataon na ang laro sa series ay limang puntos lamang ang kalamangan sa break. Apat sa limang laro sa series ay nagtapos sa double-digit victories.
Umalagwa ang Boston sa third quarter, kung saan na-outscore nito ang Miami, 32-16. Naitala ng Celtics ang kanilang unang double-digit lead sa turnaround jumper ni Brown, may walong segundo ang nalalabi sa third para sa 69-58 advantage.
Bumuslo ang Celtics ng 46.5 percent sa laro sa kabila na nagsalpak lamang ng 38.2 percent sa first half. Si Tatum ay 1-for-9 lamang mula sa field bago ang halftime, naipasok ang kanyang nag-iisang basket, may 8:07 ang nalalabi sa second quarter. Tumapos siya sa 7-for-20.
Nag-ambag si Robert Williams III ng 6 points at 10 rebounds para sa Boston. Tumipa si Duncan Robinson ng 11 points para sa Miami, at nagdagdag si P.J. Tucker ng 7 points at 11 rebounds.