CELTICS RUMESBAK

NAGBUHOS si Jayson Tatum ng  27 points at pinag-alab ni Marcus Smart ang Celtics sa superb all-around effort nang maitakas ng Boston ang 127-102 panalo kontra host Miami Heat upang itabla ang Eastern Conference finals sa 1-1 nitong Huwebes.

Bumalik si Smart mula sa one-game absence sanhi ng foot injury at nag-ambag ng 24 points, 12 assists, 9 rebounds at 3 steals sa loob ng 40 minuto. Gumawa rin si Smart ng limang 3-pointers upang tulungan ang Celtics na maiganti ang kanilang pagkatalo sa Game 1.

Nakalikom si Jaylen Brown ng 24 points at 8 rebounds at nagdagdag si Grant Williams ng 19 points para sa Boston.

Nanguna si Jimmy Butler para sa Heat na may 29 points. Kumubra sina Gabe Vincent at Victor Oladipo ng tig-14 points habang umiskor si Tyler Herro ng 11 para sa Miami.

Nakatakda ang Game 3 sa Sabado ng gabi sa Boston.

Na-outscore ang Celtics, 39-14, sa third quarter ng Game 1 kung saan ang eight-point halftime lead ay nauwi sa 118-107 loss. Sa Game 2 ay wala silang naging problema.

Bumalik din si Al Horford (COVID-19 protocol) para sa Celtics makaraang lumiban sa Game 1 at nagtala ng 10 points sa 4-of-4 shooting.

Inilabas si P.J. Tucker ng Miami sa third quarter dahil sa left knee contusion.Tumipa siya ng 5 points at 4 rebounds sa loob ng 22 minuto bago lumabas.

Ang Heat ay naglaro rin na wala si Kyle Lowry (left hamstring) para sa ika-8 pagkakataon sa huling 10 laro.

Bumuslo ang  Celtics ng 51.2 percent mula sa field, kabilang ang 20 of 40 mula sa 3-point range. Kumana sina Tatum at Brown ng tig-apat na 3-pointers.

Naipasok ng Miami ang 44.2 percent ng kanilang tira at 10 of 34 (29.4 percent) lamang mula sa arc.