CHARACTER ACTOR NA SI ‘BANGKAY’ NAGBIGTI

Jose Clemente De Andres

QUEZON – WALA nang buhay ang character actor na si Bangkay sa compound ng isang beach resort sa may bayan ng Plaridel noong Martes ng madaling araw.

Kinilala ni Sr. Insp. Rodel Fortunado, hepe ng pulisya ang biktima na celebrity personality na si “Bangkay”/ “Nonong” sa tunay na pangalan ay Jose Clemente De Andres, 72-anyos at kasalukuyang residente ng nabanggit na bayan.

Ayon sa imbestigador na si PO3 Oliver Sarmiento dakong alas-3:45 ng madaling araw ng matagpuang nakabigti ito sa isang cottage sa beach resort na pag-aari ng kasaluku­yang Plaridel Mayor Bernard Tumagay kung saan ay rito na kasalukuyang nakatira si Bangkay dahil matalik na kaibigan ito ng naturang Mayor.

Isa sa tinitingnan ng pulisya na anggulo sa insidente at nagtulak umano upang gawin ni Bangkay ang pagpapatiwakal ay ang matagal ng iniindang sakit nito sa baga na tuberculosis na umano’y siyang nagpapahirap sa actor.

Ayon naman sa salaysay ng kaibigan at kasama sa resort  ng artista na nakilalang si Myla Delos Reyes matapos itong makalabas ng ospital ilang araw bago matagpuang patay si Bangkay ay lagi ito umanong balisa at hindi makatulog at laging sinasabi sa kaibigan na kung hindi na siya gagaling sa kanyang sakit ay nanaisin pa nito ang mamatay na agad.

Nakakuha naman ang mga pulis sa kwartong tinutuluyan ng biktima ng suicide note na nakasulat sa dalawang papel na nakasaad dito ang paghingi niya ng tawad at pagpapaalam sa mga kaibigan sa kanyang gagawing pagpapatiwakal.  BONG RIVERA

Comments are closed.