Mga laro sa Martes:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Creamline vs Army-Black Mamba
6:30 p.m. – Akari vs PLDT
NAIBALIK ng Creamline ang kanilang winning ways sa 17-25, 25-11, 25-19, 25-21 pagdispatsa sa Chery Tiggo upang manatili sa unahan sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Nabigo ang Crossovers na maipagpatuloy ang kanilang opening set win nang maging dominante ang Cool Smashers sa second para makatabla.
Binigyan ng Chery Tiggo ang Creamline ng magandang laban sa sumunod na dalawang sets bago nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan matapos ang 3-0 simula.
Umangat ang Cool Smashers, na naunang inanunsiyo na sumailalim si Alyssa Valdez, na hindi pa naglalaro ngayong season, sa hindi tinukoy na right knee procedure, sa 4-1 kartada.
“Siyempre ‘yung Chery Tiggo talaga naka-prepare din para sa amin,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses hinggil sa first set defeat kung saan hindi pinasok si Tots Carlos, na nagre-recover mula sa injury.
“Medyo hindi naging maganda ‘yung service receive namin kaya medyo naapektuhan talaga ang atake namin. Pero naka-adjust naman agad.”
Nanguna si Jema Galanza para sa Cool Smashers na may 25 points, kabilang ang 2 blocks, 13 digs at 12 receptions, nagdagdag si Michele Gumabao ng 17 kills, habang nagtala si Ced Domingo ng 3 blocks para sa 16-point effort. Tumapos si Carlos na may 9 points.
Gumawa si Jia de Guzman ng 34 excellent sets habang nakakolekta si libero Kyla Atienza ng 20 digs para sa Creamline.
Nanguna si EJ Laure para sa Crossovers na may 15 points, kabilang ang 2 service aces, 10 receptions at 9 digs, nakalikom si Shaya Adorador ng 11 kills at 10 receptions habang kumana si Mylene Paat ng 3 blocks para sa 10-point outing.