PHNOM PENH — Nasikwat ni ageless Eric Shaun Cray ang kanyang ika-6 sunod na ginto sa 400m hurdles sa Southeast Asian Games upang bigyang buhay ang kampanya ng Pilipinas sa biennial games sa Morodok Techno National Stadium dito nitong Huwebes.
Naorasan ang 34-anyos na si Cray ng 50.03 seconds sa kanyang paboritong event upang gapiin sina Thailand’s Natthapon Dansungnoen (50.73) at Singapore’s Calvin Quek (50.75).
Ang isa pang entry ng Pilipinas na si Alhryan Labita ay tumapos sa 7th sa 53.89.
Ang oras ni Cray ay malayo sa kanyang Philippine record na 48.98 na naitala sa IAAF World Challenge sa Moratalaz, Madrid noong 2016, subalit sapat para sa kanyang ika-6 sunod na 400m hurdles title at ika-8 gold overall upang maging pinakamatagumpay na track athlete sa games.
Ang dalawa pa niyang gold ay nagmula sa 100m sa 2015 Singapore games at sa 4×100 mixed relay sa 2019 edition sa New Clark City Stadium sa Tarlac.
“This means everything,” wika ni Cray, hinahabol ang kanyang hininga habang kinakapanayam ng mga reporter. “This is a product of hard work, dedication.”
“You know, we just showed a lot of perseverance. I have a lot of drive, dedication for 10 years, ups and downs after injuries and everything I’ve been through,” ani Cray, na atat nang makabalik sa Paris Olympics sa 2024.
Ang susunod na hakbang ay ang Asian Championships, na qualifying tournament para sa Olympiad.
“That (Olympics) is the goal,” sabi ni Cray, na hindi pa desidido kung magtatangka sa kanyang ika-7 sunod na 400m hurdles gold sa biennial meet na idaraos sa Thailand sa 2025.
“I gotta qualify first in Paris, then I’ll take it from there,” aniya.
Ang dalawa pang gold ng athletics team ay mula kina Ernest John Obiena sa pole vault at Janry Ubas sa long jump.
Samantala, binigyan ng cricket ang Pilipinas ng isang silver medal sa women’s 6-a-side event ng biennial meet sa AZ Group Cricket Oval noong Miyerkoles.
Makaraang matalo sa Indonesia, 25-78, ang koponan ay bumawi at umabante sa final kasunod ng 54-42 panalo laban sa host Cambodia.
Ang Philippine women’s 6-a-team ay binubuo nina Jennifer Alumbro, Jhon Andreano, Josie Arimas, Shanilyn Asis, Catherine Bagaoisan, Jona Eguid, Joelle Galapin, Mar Mandia, Johannah McCall, Lolita Olagiure, Romela Osabel, Riza Penalba, April Saquilon, Simran Sirah, at Alex Smith.
Sa cycling, nakopo ni Ronald Oranza ang bronze sa men’s criterium upang ibigay sa bansa ang ikatlong medalya nito sa 32nd Southeast Asian Games.
Umusad naman ang Philippine women’s volleyball team sa semifinals kasunod ng 25-17, 25-14, 25-13 pagbasura sa Singapore.
Sumalang sa unang pagkakataon si Alyssa Valdez makaraang ma-sideline dahil sa injury na kanyang natamo noong Disyembre ng nakaraang taon.
Sa panalo, tinapos ng national team ang pool play sa 2-1 at makakasagupa ang Thailand sa semifinals sa Sabado.
-CLYDE MARIANO