D-LEAGUE: ARCHERS HUMIRIT NG ‘SUDDEN DEATH’

Laro sa Miyerkoles:
(Smart Araneta Coliseum)
Game 3, Best-of-3 Finals
12 p.m. – Marinerong Pilipino vs EcoOil-La Salle

BUHAY pa ang EcoOil-La Salle makaraang pataubin Marinerong Pilipino, 70-63, sa Game 2 ng 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nalusutan ng Green Archers ang matikas na pakikihamok ng Marinero upang maipuwersa ang winner-take-all Game 3.

Muling maghaharap ang dalawang koponan sa do-or-die game sa susunod na Miyerkoles sa parehong venue.

Pinangunahan ni Michael Phillips ang pagresbak ng EcoOil-La Salle matapos ang 72-67 loss sa Game 1, sa kinamadang double-double na 18 points at 14 rebounds na sinamahan ng 4 blocks habang nagbigay ng suporta sina Schonny Winston, Evan Nelle, CJ Austria at Kevin Quiambao sa bandang huli.

Nagdagdag si Winston ng 15 at kumubra si Austria ng 11 habang tumipa sina Nelle at Quimbao ng 8 at 6 points, ayon sa pagkakasunod.

“We just caught them napping at the start. We came out strong. I know we’re tired as we’re playing almost every day but it’s the mindset for us. We just came out ready and we played our game unlike in the first game where we played tentative,” sabi ni coach Derick Pumaren.

“I’m proud of the way the boys kept their pressure. We were playing not to lose but we’re able to correct that and make big mistakes.”

Maagang kumarera ang EcoOil-La Salle sa 18-8 lead at angat pa rin ang Green Archers sa 51-41 sa kaagahan ng fourth quarter kasunod ng dunk ni Bright Nwankwo bago bumanat ang Skippers ng 21-12 rally tampok ang tres ni Conference MVP Juan Gomez de Liano sa 1:21 mark upang lumapit sa 62-63.

Kasunod nito ay naisalpak ni Nelle ang tatlong free throws mula sa foul ni Kemark Carino at naipasok ni Quiambao ang fadeaway dagger sa back-to-back possessions para selyuhan ang panalo ng EcoOil-La Salle.

Nanguna si Jollo Go para sa Marinerong Pilipino na may 21 points habang kumubra si Gomez de Liano ng 14.

Iskor:
EcoOil-La Salle (70) – M. Phillips 18, Winston 15, Austria 11, Nelle 8, Nwankwo 7, Quiambao 6, Manuel 5, B. Phillips 0, Nonoy 0.
Marinerong Pilipino (63) — Go 21, Gomez de Liano 14, Carino 14, Pido 5, Soberano 3, Nocum 2, Manlangit 2, Agustin 2, Gamboa 0, Bonifacio 0, Hernandez 0, Bonsubre 0, Lacap 0, Garcia 0.
QS: 20-10, 34-26, 49-41, 70-63.