DAGDAG-INSENTIBO SA OLYMPIC MEDALISTS MULA KAY DUTERTE

bong go

NAGHIHINTAY ang dagdag na insentibo mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa atletang Pinoy na magwawagi ng medalya sa Tokyo Olympics, ayon kay Senator Christopher ‘Bong’ Go.

Ani Go, labis ang pagnanais ng Pangulo na samahan para suportahan ang atletang Pinoy sa Tokyo Olympics na magsisimula sa Hulyo 23, ngunit ang determinasyon ng Pangulo na masubaybayan ang patuloy na rollout ng bakuna ang nagbigay ng desisyon na pagkalooban na lamang ng suporta ang mga bayaning atleta at dagdag na insentibo para sa makapag-uuwi ng medalya, higit ang pinakaaasam na ginto.

“Hindi na po, marami po tayong dapat unahin at masyado pong risky kung magta-travel po ang ating mahal na Pangulo sa ngayon. Importante po full support kami,” pahayagn ni Go.

“I’m sure si Pangulong Duterte, handa rin pong magbigay ng insentibo kung makakuha tayo ng medalya. Known naman po ang mga Filipino na matatapang, magigiting at lumalaban. Let’s give the best, ang Filipino lumalaban talaga ‘yan,” aniya.

Sa kasalukuyan, tumataginting na P30 milyon ang naghihintay na insentibo para sa atleta na makapag-uuwi ng gintong medalya sa Tokyo Games, kabilang ang P10 milyon mula sa pamahalaan batay sa Cash Incentives Act. Naglaan naman ng karagdagang tig-P10 milyon sina PLDT big boss Manny V. Pangilinan at SMC owner Ramon S. Ang.

Nauna rito, naipakiusap ni Go sa Inter-Agency Task Force (IATF) na maisama sa ‘priority list’ ng COVID-19 vaccination ang mga atletang Pinoy, higit yaong patungo sa Tokyo at sasabak sa nakanselang Southeast Asian Games sa Vietnam.

Kabuuang 19 Pinoy ang lalahok sa Olympics na inaasahanang dadagdsain ng may 11,000 athletes mula sa iba’t ibang bansa. Batay sa pahayag ng International Olympic Committee, umabot na sa  85% ang mga nabakunahan nang mga atleta.

Kumpiyansa si Go na masusungkit ng Pinoy ngayong edisyon ang pinakamimithing gintong medalya.

“Ako, ine-expect ko na makakuha tayo ng ginto. Meron tayong ipapadalang 19 athletes,” pahayag ni Go.

“Sana po ay manalo. We wish them good luck at ako naman po ay tiwalang kakayanin nating manalo at makakuha ng ating inaasam na gold medal para sa ating bayan. Dito lang po kami full support po kami sa ating mga atleta,” aniya.  EDWIN ROLLON

4 thoughts on “DAGDAG-INSENTIBO SA OLYMPIC MEDALISTS MULA KAY DUTERTE”

Comments are closed.