NAGMAHAL na ang asukal sa Metro Manila dahil sa epekto ng kalagayan ng panahon at sa mas mataas na singil sa delivery sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa ulat ng GMA News Online, sa Marikina Public Market, ang presyo ng asukal ay tumaas ng P5 kada kilogram — P80 mula P75 para sa white sugar, P70 mula P65 sa washed sugar, at P65 mula P60 para sa brown sugar.
Sa pinakahuling datos mula sa Department of Agriculture (DA) ay lumilitaw na ang average retail price ng refined sugar ay nasa P70, washed sugar sa P60, at brown sugar sa P60 hanggang noong Biyernes, June 17.
Ayon pa sa report, minomonitor ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang sitwasyon, at sinabing bumaba ang produksiyon sanhi ng kalagayan ng panahon.
Tinukoy ng ahensiya ang epekto ng bagyong Odette sa Negros region, na nagpababa sa produksiyon mula Marso hanggang Mayo.
Sinabi naman ng mga retailer na ang pagmahal ng asukal ay sanhi ng mas mataas na delivery charges dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pinakahuling datos ng Department of Energy, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P28.70, diesel ng P41.15, at kerosene ng P37.95.