(Dedesisyunan ng DOLE bago mag-Mayo) HIRIT NA MINIMUM WAGE HIKE

Dominique Tutay

INAASAHANG magpapalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng desisyon sa mga petisyon para sa umento sa minimum wages sa buong bansa bago mag-Mayo.

“Kumikilos na ang mga regional wage board… Nagbigay na tayo ng gabay sa kanila at may utos na rin si Secretary Bello na pabilisin ang proseso,” wika ni DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay sa panayam sa Dobol B TV.

“Bago ang Mayo, malalaman na ang desisyon kaugnay sa wage increase petitions,” ani Tutay.

Nagsagawa ng kilos-protesta ang Labor unions alliance Unity for Wage Increase Now! sa National Capital Region Wage Board office upang igiit ang P750 dagdag sa minimum wage.

Humihingi naman ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng P470 dagdag sa daily minimum wage sa National Capital Region.

Nauna nang inatasan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa buong bansa na rebyuhin ang minimum wages.

Ayon kay Bello, ang kasalukuyang  P537 daily minimum wage sa Metro Manila ay maaaring hindi na sapat para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan.