MAKIKIPAGPULONG muna ang Department of Education (DepEd) sa Philippine National Police kaugnay sa planong pagsasagawa ng sorpresang inspeksiyon sa mga bag at locker ng mga estudyante bilang bahagi ng anti-drug campaign.
Kasunod na rin ito nang pag-amin ng DepEd na nag-aalala ito hinggil sa nasabing plano ng PNP.
Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, nais makausap ni Education Secretary Leonor Briones si PNP Chief Director General Oscar Albayalde para makapag-share ng programa at kung may kailangang aksiyon ay magkatuwang itong gagawin ng dalawang ahensiya.
Isinusulong ng DepEd na maging maayos ang koordinasyon lalo na sa mga programang tina-target ay mga estudyante dahil sa mga konsiderasyon tulad ng child protection policy at mga paaralan bilang zones of peace.
Binigyang diin ni Malaluan na pinalakas pa ang drug prevention program nang maupo bilang kalihim ng DepEd si Briones. DWIZ882