NAKATUON ang buong atensiyon ni Manny Pacquiao kay American boxer Adrien Broner, wala nang dalawang linggo bago ang kanilang laban, bagama’t patuloy ang mga ulat ng rematch laban kay Floyd Mayweather, Jr.
Idedepensa ni Pacquiao ang WBA welterweight championship kontra Bronersa Enero 19 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, sa kanyang unang laban sa Estados Unidos magmula noong 2016.
Bagama’t naghahanda para sa bakbakan nila ni Broner, si Pacquiao ay paulit-ulit na tinatanong hinggil sa posibleng rematch kay Mayweather, na tumalo sa kanya noong Mayo 2015. Lalong lumakas ang ugong ng rematch nang lumahok ang American star sa isang exhibition match laban sa isang Japanese kickboxer noong New Year’s Eve.
“I’m not thinking about that,” wika ng 40-anyos na si Pacquiao.
“My focus is Adrien Broner,” pagbibigay-diin niya. “It’s all about that. Maybe we can discuss (Mayweather) after this fight.”
Si Pacquiao ay puspusang nag-eensayo sa Wild Card Gym sa Los Angeles, kung saan muli niyang nakasama si Freddie Roach upang maghanda sa kanilang laban ni Broner.