NAGPATAWAG ng special session sa Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte para matiyak na hindi maaantala ang pagpasa ng budget.
Sa nilagdaang Proclamation No. 1027 ng Pangulo ay ipinatawag nito ang special session ng Kongreso sa Oktubre 13 hanggang 16.
Ayon sa Pangulo ay dapat ipagpatuloy ng Kongreso ang deliberasyon para sa panukalang 2021 national budget.
“President Rodrigo Roa Duterte today, October 9, has called the Congress to a special session scheduled on October 13-16, 2020 to resume the congressional deliberations on the proposed 2021 national budget and to avoid any further delays on its prompt passage,” ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Kamakalawa ay nagbanta ang Pangulo sa Kamara na kapag hindi itinigil ang bangayan na makaaapekto sa pagpasa ng pambansang badyet ay siya na ang aaksiyon para rito.
Mistulang napuno na ang Pangulo sa bangayan sa speakership sa Kamara sa pagitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco dahil nasasakripisyo ang pagpasa sa 2021 national budget na aabot sa P4.5 trilyon.
Sa surprised address to the people ay sinabi ng Pangulo na kung hindi pa mareresolba ang problema sa budget, siya na ang gagawa ng kaukulang hakbang.
“Hindi ako nananakot. Wala akong ambisyong manakot. Wala din akong ambisyong magtagal sa pwestong pu____ ito na puro problema. Wala akong hangarin. Basta sinasabi ko lang, if you do not solve the problem, Then i will solve the problem for you. Mamili kayo, either we have positive development na maligayahan ang tao, ‘yung amo natin,” dagdag pa ng Pangulo.
Makailang beses nang sinabi ng Malakanyang na hindi katanggap tanggap kay Pangulong Duterte ang reenacted budget.
Nakasalalay sa budget ang rehabilitation at recovery plan ng pamahalaan sa Covid 19.
Nauna rito ay plano ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na aprobahan sa 3rd reading ang pambansang budget bago sumapit ang Oktubre 16.
Kamakailan lamang ay sinuspinde ni Cayetano ang plenary proceedings hanggang Nobyembre 16. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.