PINULL-OUT muna ng Department of Health (DOH) ang mga ‘Doctors to the Barrios” (DTTBs) mula sa kani-kanilang pinasisilbihang lalawigan at dinala sa Cebu City upang tumulong sa pagsugpo ng dumaraming kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasunod na rin ito ng ulat na nao-overwhelmed na ang health care system sa Cebu City sa pagdagsa ng COVID-19 cases.
“Following reports of CHD 7 Director Bernadas that the Cebu City health care system is overwhelmed with patient load at the moment, issued a directive to deploy doctors including DTTBs,” ani Vergeire.
Ang desisyon ay sinang-ayunan din nina National Task Force Secretary Carlito Galvez at Cebu Overseer Secretary Roy Cimatu.
Paglilinaw naman ni Vergeire, kahit pinull-out sa mga lalawigan ang DTTBs ay hindi nangangahulugan na mawawalan na ng mga doktor sa mga munisipalidad dahil mayroon pa rin naman silang municipal-hired doctors.
“The assigned doctors are rural health physicians (RHP) and not municipal health officers (MHO). Meaning the municipality they serve already has a municipal-hired doctor ensuring that the municipalities they serve will not be left doctorless during their assignment,” paliwanag pa niya.
Pansamantala lamang ang magiging pamamalagi sa Cebu ng DTTBs na magbibigay lamang ng tulong, tulad ng ginawa nila sa Marawi City at noong bagyong Yolanda sa Leyte.
Samantala, inilarawan naman ni Joint Task Force COVID-19 Shield Commander P/LtG. Guillermo Eleazar na tila naging ghost town ang buong lungsod ng Cebu na nakapailalim pa rin sa enhanced community quarantine (ECQ).
Sinabi nito na maganda ang kasalukuyang sitwasyon sa lungsod para ganap na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Itinanggi ng heneral na may militarisasyon sa lugar sa pagpapakalat ng tropa ng Special Action Force ng PNP at sundalo.
“Hindi naman ibig sabihin na kapag andyan ay manghuhuli na ang mga pulis natin. Alam n’yo po ang SAF, their presence and deployment is a tried and tested formula na nagamit natin dito noong kasagsagan ng ECQ sa Metro Manila last April. Nakita naman natin na wala naman silang inaresto eh,” ani Eleazar.
Tututukan nila ang mahigpit na pagpapatupad ng checkpoints at sasalain ang mga lumalabas na authorized persons outside of residence upang hindi maikalat pa ang COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ, VERLIN RUIZ
Comments are closed.