nina Claire Coballes at Jochelle Mae Duran
NAPAG-ALAMAN ng Department of Trade and Industry (DTI) na ibinebenta ng mas mababa kaysa sa nailathalang suggested retail prices (SRPs) ang mga pangunahing bilihin (basic needs and prime commodities) na binabantayan ng ahensiya. Ayon ito sa resulta ng pagbabantay na isinagawa sa iba’t ibang parte ng Metro Manila.
Pinangunahan ni DTI-Consumer Protection Group (CPG) Undersecretary Atty. Ruth B. Castelo ang pagbisita sa supermarkets at groceries bilang bahagi ng pagpapalakas sa pagbabantay ng mga presyo sa gitna ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusions (TRAIN) Law at pagtaas ng presyo ng gasolina.
Nilinaw ng DTI na ang excise tax ay may direktang epekto lamang sa distribution cost ng mga pangunahing bilihin na 5 % lamang ng kabuuang halaga. Ang excise tax na P2.50 sa bawat litro ng diesel ay katumbas ng 6% na pagtaas sapresyo ng diesel. Kung ipagpapalagay na walang paggalaw sa halaga ng raw materials sa paggawa ng mga produkto, ang presyo ng isang lata ng sardinas ay maaaring tumaas ng 0.30% lamang, at may karagdagang 12% Value Added Tax.
Ayon sa pagpapaliwanag ni CPG Undersecretary Castelo, “Anumang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin ay hindi lamang nauugnay sa pagpapataw ng excise tax dahil maaari rin itong maapektuhan ng mga pagbabago sa pandaigdigang merkado tulad ng mga presyo ng raw materials, krudo, at paghina ng piso kontra dolyar.”
Sa katunayan, ang mga SRP ng ilang brands ng kandila ay tumaas dahil sa pagtaas ng presyo ng raw materials at paggalaw ng palitan ng piso laban sa dolyar. Ang mga bagong stocks lamang ng mga kandila ang ibebenta ng ayon sa bagong SRP habang ang lumang stocks nito ay ibinebenta ng P10.00, mas mababa kumpara sa nailathalang mga SRP.
Ang pagpapatupad ng bagong SRP ng mga kandila ay masusing pinag-aralan ng DTI upang masiguro na reasonable ang mga ito. Alinsunod na rin ito sa kahilingan ng mga manufacturer ng kandila.
Pinaaalalahanan ng DTI ang mga mamimili na maging mapagmatyag sa mga lantarang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at higit sa mga mapanlinlang, ‘di makatarungan, at ‘di mapagkakatiwalaan na mga gawain ng mga nagbebenta nito.
Para sa anumang katanungan at reklamo na may kaugnayan sa karapatang pang-konsyumer, makipag-ugnayan lamang sa DTI Direct 751.3330 o 0917.8343330. Maaari ring ipadala ang inyong mga reklamo sa [email protected].
Comments are closed.