DTI PINAIGTING ANG PRICE MONITORING SA SUPERMARKETS

SUPERMARKET

TODO bantay ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga supermarket sa bansa sa gitna ng mga pangamba ng pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa tax reform law.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Secretary Ramon Lopez na minomonitor ng ahensiya ang may 400 supermarkets kada linggo upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa suggested retail price (SRP) ng mga bilihin.

Aniya, sa kasalukuyan, ang mga binabantayan nilang manufactured products na pangunahing pa­ngangailangan ay hindi naman lumalagpas sa SRP.

“We constantly reminds supermarket owners that they cannot go beyond the SRP of basic commodities and other goods set by the government,” anang kalihim.

Pinayuhan naman ng DTI chief ang mga consumer na sa supermarkets bumili dahil mahigpit itong binabantayan ng ahensiya.

“Pumunta sila sa mga paboritong grocery and supermarket kasi doon talagang very stable ang presyo… Takot silang mag-increse ng above SRP dahil tinatanggal ang produkto sa shelf at hindi nila maibebenta iyon,” aniya.

Nauna nang inamin ni Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority chief Ernesto Pernia na ang pagsipa ng inflation ay bahagyang inisyal na reaksiyon sa pagpapatupad ng (Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Gayunman, pansamantala lamang, aniya, ito at inaasahang magiging matatag sa mga darating na buwan.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang headline inflation ay bumilis sa 4.5 percent noong Abril, mas mataas sa 4.3 percent na naitala noong Marso at sa 3.2 percent noong Abril 2017.

 

Comments are closed.