MAHIGPIT na naka-monitor ang Pangulong Rodrigo Duterte sa paparating na bagyong Rolly at inalerto ang lahat ng ahensiya.
Ayon kay Senador Bong Go, tinitiyak nitong nakahanda ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno para magbigay ng tulong sa mga mabibiktima ng kalamidad.
Nagsagawa rin ng pulong si Defense Secretary Delfin Lorenzana at siniguro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na nakatutok ito sa mga kaganapan kaugnay sa bagyo hanggang sa barangay level.
Ayon kay Go, kumikilos na rin ang militar para sa clearing operations habang ang Department of Public Works and Highways ay nakahanda na para sa mga masisirang istruktura ng bagyo.
Ang Department of Social Welfare and Development naman ay may naka-preposition ng mga food pack para sa mga pamilyang masasalanta ng bagyo.
Inabisuhan na rin ang iba pang kinauukulang ahensiya gaya ng Energy Department at telecommunication companies upang bilisan ang restoration dahil napakahalaga ng komunikasyon at suplay ng koryente sa panahon ng kalamidad.
Inaasahang mananalasa ang supertyphoon sa araw ng Linggo sa Kabikulan patungo sa Gitnang Luzon at mararamdaman din ito sa Metro Manila.
Comments are closed.