TAHASANG sinabi ni Senador Bong Go na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos kay Bureau of Correction Director General Nicanor Faeldon na i-hold ang paglaya ni Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Taliwas ito sa inihayag ni Faeldon nang sabihin niya sa pagdinig ng Senado na siya mismo ang nagpa-hold ng paglaya kay Sanchez kasabay ng pagtanggi nito sa release order ng dating alkalde na sinasabing memorandum order lamang ang nilagdaan nito.
Ayon kay Go, nakausap niya ang Pangulo noong Agosto 20 matapos pumutok ang kontrobersiyal na posibleng paglaya ni Sanchez kaya’t kinabukasan Agosto 21 agad na kinausap ng Pangulo sina Justice Secretary Menardo Guevarra at Faeldon na i-hold ang paglaya ng dating alkalde.
Nais ng Pangulo na managot ang responsable sa pagpapalaya sa mga hindi karapat-dapat na convicted criminals ng NBP sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance.
Si Sanchez ay nahatulan ng 7 counts ng life imprisonment sa pagpaslang sa estudyanteng si Alan Gomez at pagpaslang at panggahasa naman kay Eileen Sarmenta, pawang UPLB students.
Samantala, kinumpirma ni Faeldon ang pagpapalaya sa tatlong preso na sina Josman Aznar; Ariel Balansag at Alberto Caño na pawang convicted sa 1997 rape-slay sa magkapatid na Chiong sa Cebu.
Sinabi pa ni Faeldon na hindi niya matandaan ang pagpapalabas ng release order sa mga ito.
Napag-alaman na ang nakapirma sa release order ng tatlong convicted sa Chiong sisters rape-slay ay ang isang opisyal ng Bu-Cor na si Maria Fe Marquez. VICKY CERVALES, MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.